Nagbigay ng mensahe ang Malacañang para sa lumitaw na 18 na dating miyembro ng Philippine Marines na huwag raw sanang magpagamit ang mga ito sa mga taong gustong makasira sa bansa.
KAUGNAY NA BALITA: Dating mga kasamahan umano ni Orly Guteza sa pagdadala ng male-maletang pera, lumantad!
Ayon sa isinagawang press briefing ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro nitong Biyernes, Pebrero 27, 2026, sinabi niyang wala raw ideya ang Palasyo kung ano ang ninanais ng 18 ex-marines sa kanilang paglitaw sa publiko.
“Wala po tayong partikular na impormasyon patungkol po diyan. Kung ano ang nais nila, hindi natin batid,” pagsisimula niya.
Giit ni Castro, alam naman daw nila at ng publiko kung sino ang mga taong nasa likod ng isinagawa press conference ng 18 ex-marines kasama ang tumayong abogado sa kanila na si Atty. Levito “Levi” Baligod.
“Pero ang mga nasa likod nito, alam naman natin kung ano ang gusto nila,” saad niya.
KAUGNAY NA BALITA: Duterte camp, nasa likod ng presscon ng 18 ex-marines, Baligod!—Trillanes
Mensahe ni Castro, huwag daw sanang magpagamit ang 18 ex-marines sa mga taong nasa likod nila dahil makakasira raw iyon sa bansa at magagandang hangarin ng pamahalaan.
“Sana, bilang Pilipino, huwag na lamang po silang magpagamit at makakasira po ito para sa ating bansa at para sa maganda sanang pagsulong ng ating bansa,” aniya.
“Huwag na po silang magpagamit bilang Pilipino,” pagtatapos pa ni Castro.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na reaksyon, tugon, o pahayag ang kampo ng 18 ex-marines kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: Security personnel ni Co, pinatotohanan testimonya ni Guteza; naghahatid umano ng male-maletang pera sa bahay ni PBBM
KAUGNAY NA BALITA: Pagkamatay ng apo ng isang kasama, nag-udyok sa 18 ex-marines para lumitaw—Baligod
Mc Vincent Mirabuna/Balita