Ligtas na mula sa pag-ban ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang isang online messaging platform matapos maabot ang ilang kasunduan para sa mas protektadong digital space ng publiko.
Ayon sa pahayag ng DICT nitong Biyernes, Pebrero 27, ang hindi nila pag-ban sa Telegram ay resulta ng pakikipag-ugnayan ng management nito sa kanila, sa pangunguna nina Ronak Singh at Abhimanyu Yadav.
Anila, ang mga sumusunod ang naging resulta ng kanilang pag-uusap:
- 24/7 Helpdesk Response - upang agad matugunan ang reklamo hinggil sa ilegal na mga content.
- Regular Reporting - buwanang pag-update ng takedowns at iba pang metrics sa DICT at CICC.
- Zero Tolerance - tiyak na walang palyang pagpataw ng karampatang parusa sa Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC), ilegal na sugal, at iba pang abusadong aktibidad.
Matatandaang naunang inanunsyo ng DICT ang kanilang pagkonsidera sa pag-ban ng Telegram noong Miyerkules, Pebrero 25, dahil sa mga umano’y laganap na paglabag nito sa mga regulasyon.
“Kapag may nakita pa kami na talagang talamak at walang pagbabago, iba-iban na lang natin ang Telegram. Marami namang other options na puwedeng puntahan,” babala ni DICT Sec. Henry Aguda.
MAKI-BALITA: DICT, kinokonsidera pag-ban sa isang online messaging platform
Sean Antonio/BALITA