February 27, 2026

Home BALITA National

De Lima, bibigyan ng leksyon si Baligod at 18 ex-marines?

De Lima, bibigyan ng leksyon si Baligod at 18 ex-marines?
Photo courtesy: File Photo

Ibinahagi sa publiko ni Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima ang plano at mga ipinayo umano sa kaniya kung bibigyan ba niya ng leksyon ang abogadong si Atty. Levito “Levi” Baligod at 18 na mga nagpakilalang dating miyembro ng Philippine Marines. 

Ayon sa naging panayam ng DZMM Teleradyo kay De Lima nitong Biyernes, Pebrero 27, 2026, sinabi niyang may mga nagpayo na raw sa kaniya at may posibilidad daw na masampahan niya ng kaso si Bligod at 18 ex-marines kagaya ng plano ng dating senador na si Antonio “Sonny” Trillanes IV. 

KAUGNAY NA BALITA: Trillanes, tinangging tumanggap ng $2M kay Zaldy Co para sa ICC investigators; nag-amba ng cyber libel case!

“May mga nag-aadvice po sa akin na kasuhan. Now ang problema ko lang diyan at ang iniisip ko lang diyan ‘yon na naman, pangsayang ng oras,” pagsisimula ni De Lima. 

Dagdag niya, “Pero para lang mabigyan ng leksyon, dahil hindi sila titigil sa kakapanira, ay baka nga ituloy ko rin ‘yan katulad no’ng balak nila [ex-Senator] Sonny Trillanes.” 

National

Francis Leo Marcos, sinabihang 'bakulaw' si Mommy Dionisia; Manny, magsasampa ng kaso?

Ani De Lima, bukod sa kaniya at Trillanes, may iba pa rin daw na nabanggit sa affidavit ng 18 ex-marines ang nagpaplanong magsampa ng kaso laban sa mga ito at kay Baligod. 

“And I think, ‘yong iba pa na mga napangalanan, I think some of them are planning to also file cases dahil sobrang kasinungalingan po ‘yong mga ganiyan,” aniya. 

Mariin ding pinabulaanan ni De Lima ang umano’y pakikipagpulong niya kina National Security Adviser (NSA) Gen. Eduardo Año, dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, at dating House Speaker Martin Romualdez noon. 

KAUGNAY NA BALITA: NSA Gen. Eduardo Año, mariing pinabulaanan akusasyon ng 18 ex-marines

“Lalo na ‘yong tungkol sa mga maleta and then ‘yong tungkol sa mga meeting na ‘yan na sinasabi nila na never happened. ‘Yong meeting with Gen. Año, Zaldy Co, Martin Romualdez,” giit niya. 

Diin ni De Lima, “Kasi ‘yon ang sinasabi. Noong una, maleta. Tapos ‘yon nga, paper bag na lang daw. Pero imagine, ang sabi, ₱5 to ₱10 million daw ang laman doon sa paper bag. Gaano kaya kalaki ang paper bag na ‘yon, nagkakasya ang ganoong karaming pera.” 

Pagpapatuloy niya, nagkakabuhol-buhol daw ang kuwento sa affidavit ng 18 ex-marines dahil marami raw itong butas at malinaw umanong hindi totoo. 

“Nagkakabuhol-buhol ang kuwento nila. Ganiyan kasi kapag imbento. Maraming butas kang makikita dahil hindi nga totoo,” pagtatapos pa niya. 

KAUGNAY NA BALITA: 'Error on my part!' Atty. Baligod, nilinaw na walang natanggap na maleta ng pera si Rep. De Lima

KAUGNAY NA BALITA: Mike Defensor, pinabulaanang may direktang kaugnayan sa 18 ex-marines

Mc Vincent Mirabuna/Balita