Iginiit ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro na wala umanong tulong si Vice President Sara Duterte sa isinasagawa ngayong 48th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Cebu.
Kasunod ito ng banat ni VP Sara kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., kung saan inihayag nitong hindi raw nagtatrabaho ang Pangulo—na siya namang binira ni Usec. Castro.
“Mayroon din akong nadinig…ang Pangulo daw ay hindi nagtatrabaho—we’re talking about trabaho,” ani Usec. Castro sa media nitong Biyernes, Mayo 8.
Giit niya, “Sabi niya, hindi daw nagtatrabaho ang Pangulo…kaya nga nakakalungkot. Inamin niya na hindi siya marunong gumamit ng computer at ginagamit lamang niya ang pinakamahal yata na laptop gamit lamang ito sa kaniyang pagzo-zoom.”
“So, again, hindi niya alam ang nangyayari….kung ano ang tinatrabaho ng Pangulo. Kita n’yo naman po, kayo po nandidito ngayon for the ASEAN Summit—ang Pangulo po ay nagtatrabaho,” dagdag pa niya.
MAKI-BALITA: Castro, binira si VP Sara sa umano'y 'di pagtatrabaho ni PBBM; sinita 'pagbabakasyon' nito-Balita
Kasunod nito, ipinagdiinan ni Castro na walang naitutulong ngayon sa ASEAN summit si Duterte dahil nagbabakasyon diumano ito.
“So, nakita n’yo po kung gaano po magtrabaho ang Pangulo. Ngayon nandidito siya, abalang-abala ang Pangulo sa ASEAN Summit at ang mga concerned agencies at concerned departments ng ehekutibo ay nandidito para magtrabaho,” saad ni Usec. Castro.
Aniya, “Samantalang ang Bise Presidente, nandodoon po sa ibang bansa at nagbabakasyon. So, wala po siyang naitutulong ngayon sa ASEAN, at wala po siyang nagiging trabaho.”
Samantala, wala pang inilalabas na komento o tugon si VP Sara kaugnay sa mga naging pahayag sa kaniya ni Usec. Castro.