Patay na nang natagpuan sa loob ng kaniyang kwarto ang barangay captain sa San Joaquin, Iloilo.
Ayon sa mga ulat, natapuang naliligo sa sarili niyang dugo ang biktima na nagtamo ng mga bala ng baril sa kaniyang bibig at tiyan.
Lumalabas sa imbestigasyon na noong Enero 2025 nang makatanggap ng pagbabanta sa buhay niya ang biktima. Bunsod nito, halos isang buwan din umano siyang umuwi sa bahay ng kaniyang kapatid para na rin sa kaniyang seguridad.
Bagama’t araw-araw pa rin daw itong pumupunta sa kanilang barangay, minabuti na lang daw muna niyang umuwi sa ibang lugar.
Matapos ang halos isang buwan, nagdesisyon na raw itong umuwi sa kanilang bahay kung saan tuluyang nangyari ang krimen.
Sinasabing madaling araw ng Huwebes, Pebrero 26, nang pasukin ng hindi pa nakikilang suspek ang bahay ng biktima. Hinala ng pulisya, posible raw na dumaan sa likurang bahagi ng bahay ang suspek na noo’y hindi rin nakakandado.
Wala rin daw lock ang mismong kwarto ng biktima na madaling napasok ng suspek.
Ayon naman sa salaysay ng mga kasama sa bahay ng biktima, bagama’t nakarinig daw sila ng ingay sa oras na nangyari ang krimen, hindi raw nila ito pinansin sa pag-aaklang may nalaglag lang umanong gamit.
Nagkasa na ng imbestigasyon ang mga awtoridad at may piang-aaralan na raw silang person of interest sa pagkamatay ng biktima.