February 26, 2026

Home BALITA National

VP Sara, humanga sa katapangan ng 18 ex-marines!

VP Sara, humanga sa katapangan ng 18 ex-marines!
Photo courtesy: File Photo

Inilahad sa publiko ni Vice President Sara Duterte ang tila paghanga niya sa 18 na dating miyembro ng Philippine Marines dahil sa paglitaw nito sa publiko at paglalabas ng kanilang affidavit tungkol sa umano’y pagpasok ng International Criminal Court (ICC) investigators sa Pilipinas noon. 

KAUGNAY NA BALITA: Antonio Trillanes, tumanggap ng ₱112M kay Zaldy Co para sa ICC investigators!—Atty. Levi Baligod

Ayon sa isinapublikong pahayag ni VP Sara sa kaniyang Facebook post nitong Huwebes, Pebrero 26, 2026, sinabi niyang hanga raw sa tapang ng 18 ex-marines na nagpakilala bilang dating security personnel ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co. 

“Hanga ako sa tapang ng mga dating security personnel ni Zaldy Co na naglakas-loob magsalita batay sa kanilang personal na kaalaman tungkol sa mga usaping matagal ko nang nalalaman,” pagsisimula niya. 

Dagdag niya, “Hindi pangkaraniwan ang kanilang ginawa dahil posibleng buhay nila ang kapalit sa paglabas ng katotohanan.” 

National

'Desisyon nila 'yan!' Palasyo, hahayaan NUP sa boto nito sa impeachment vs VP Sara

Ani VP Sara, may mga impormasyon na raw sila noon pa hinggil sa pakikipag-ugnayan umano ng ilang opisyal ng Pilipinas sa ICC investigators. 

Dahil dito, nagpadala umano siya ng pormal na sulat sa administrasyon kaugnay sa nalikom nilang impormasyon noon at sumagot daw ang pamahalaan na hindi sila makikipagtulungan sa ICC sa anomang paraan, hugis, o porma. 

“Bunga nito, pormal akong sumulat sa Pangulo upang makuha on record ang posisyon ng Administrasyon. Ang naging tugon niya ay, ‘We will not cooperate in any way, shape, or form’-isang tahasang pagkilala na ang mga hakbang ng ICC ay itinuturing na paglapastangan sa soberanya ng Pilipinas,” aniya. 

Pagpapatuloy ni VP Sara, pinapatunayan lamang daw ng naging testimonya ng 18 ex-marines ang nauna na niya raw noong babala kina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa tungkol sa ICC investigators hanggang sa “ma-kidnap” ang kaniyang ama. 

“Ngayon, ang mga testimonya ng mga dating security personnel ni Zaldy Co ay lalo pang nagpapatibay sa mga nauna ko nang babala kay Dating Pangulong Duterte at Senador Bato dela Rosa tungkol sa presensya ng ICC sa loob ng Pilipinas, hanggang sa mga pangyayaring may kaugnayan sa pag-kidnap sa aking ama. Ang mga impormasyong ito ay hindi maaaring isantabi o ipagwalang-bahala,” diin niya. 

Giit naman ni VP Sara, hindi raw ito tungkol sa usapin ng politika kundi para sa usapin umano ng prinsipyo ng pambansang soberanya at limitasyon panghihimasok ng dayuhang institusyon. 

“Ang usaping ito ay hindi usaping pampulitika. Hindi ito simpleng alitan ng mga personalidad. Ito ay tungkol sa pangunahing prinsipyo ng ating pambansang soberanya, at limitasyon sa panghihimasok ng mga dayuhang institusyon sa domestic affairs ng ating bansa,” saad niya. 

“Sovereignty is not a principle to be invoked when convenient and abandoned when expedient. Sovereignty should not depend on who benefits and should not shift with political winds,” pahabol niya. 

Hindi lang daw ang isang lider o isang pamilya ang naapektuhan kapag napahina ang prinsipyo ng soberanya ng isang bansa kundi pinahihina rin umano nito ang tiwala ng taumbayan sa institusyon na dapat ay poprotekta sa kanila. 

“When we weaken the principle of sovereignty, we do not only affect one leader or one family. We affect the dignity of our country and the trust of our people in the institutions meant to protect them,” pagtatapos ni VP Sara. 

Samantala, habang sinusulat ito, hindi pa naman naglalabas ng reaksyon o tugon ang kampo ng 18 ex-marines tungkol dito. 

KAUGNAY NA BALITA: Trillanes, tinangging tumanggap ng $2M kay Zaldy Co para sa ICC investigators; nag-amba ng cyber libel case!

KAUGNAY NA BALITA: ICC, pinabulaanan pagpondo ni Zaldy Co sa imbestigasyon nila sa war on drugs

Mc Vincent Mirabuna/Balita