Nasa kustodiya ng mga awtoridad ang truck driver na nanlaban sa holdaper na nagtangkang sumampa sa minamaneho niyang truck sa Binondo, Maynila.
Ayon sa mga ulat, nangyari ang panghoholdap sa truck driver noong Miyerkules, Pebrero 25, 2026, nang subukan siyang holdapin ng lalaking armado umano ng patalim.
Bunsod nito, napilitang manlaban ang driver at kinuha ang bolo na nasa loob ng truck niya at saka tinaga ang holdaper.
Nagtamo ng taga sa ulo at braso ang holdaper na agad na naisugod sa ospital. Ilang pulis na rin ang nakabantay sa kaniya upang maaresto siya kapag nabigyan na ng discharge order ng ospital.
Samantala, napag-alamang kusang sumuko sa mga awtoridad ang truck driver matapos magkasa ng imbestigasyon ang pulsiya.
Paliwanag ng driver, self-defense lang ang ginawa niya matapos ang tangkang pagnanakaw sa kaniya ng nasabing lalaki.
Sa kabila nito, nananatili siya sa kustodiya ng pulisya at posibleng maharap sa reklamong frustrated homicide.
Mahaharap din sa robbery charge ang holdaper paglabas niya sa ospital.