February 26, 2026

Home BALITA Metro

Sunog sa Intramuros na bunsod umano ng selos, kumitil ng 2 katao!

Sunog sa Intramuros na bunsod umano ng selos, kumitil ng 2 katao!
Photo courtesy: via MANILA BULLETIN

Dalawang katao ang nasawi habang tinatayang nasa 600 pamilya ang nawalan ng tirahan matapos ang malawakang sunog na sumiklab sa Maisan area ng Intramuros, Maynila, noong Miyerkules, Pebrero 25, 2026.

Kinumpirma ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang dalawang nasawi ngunit hindi pa inilalabas ang kanilang pagkakakilanlan habang hinihintay ang pormal na abiso sa kanilang mga pamilya. Tinatayang umabot sa ₱1.5 milyon ang halaga ng pinsala sa insidente.

Ayon sa BFP, nagsimula ang sunog bandang 4:58 ng hapon at agad na nagbuga ng makapal na usok na ikinaalarma ng mga residente at mga establisimyento sa paligid. Itinaas ito sa ikalawang alarma pagsapit ng 5:08 ng hapon at naging ikaapat na alarma bandang 5:28 ng hapon matapos mabilis na kumalat ang apoy sa hindi bababa sa 300 kabahayan na karamihan ay gawa sa light materials.

Batay sa paunang imbestigasyon at pahayag ng mga saksi, hinihinalang sinadya ang sunog. Kinilala ang suspek sa alyas na “Burnok,” isang dating bilanggo na nasa edad 30 pataas at may kasong robbery, na umano’y kakalaya lamang mula sa New Bilibid Prison noong gabi bago ang insidente.

KAUGNAY NA BALITA: Selosong ex-convict, itinuturong nagpasimula ng sunog sa ilang kabahayan sa Intramuros!

Metro

6 katao, sugatan matapos sumabog ang isang ‘tankito’

Ayon sa mga residente, nadiskubre umano ng suspek ang kaniyang asawa na may kasamang ibang lalaki, na nagdulot ng matinding selos at galit. Bumalik umano ito sa kanilang tirahan sa ikaapat na palapag ng isang residential building sa Cabildo Street bitbit ang lalagyan ng gasolina mula sa trak ng kanyang ama. Ibinuhos umano niya ang gasolina sa loob at paligid ng kanilang bahay bago ito sinilaban.

Tuluyang naapula ang sunog bandang 11:30 ng gabi, mahigit anim na oras mula nang ito’y magsimula.

Inaresto ng Manila Police District ang suspek at kasalukuyang iniimbestigahan para sa posibleng kasong arson.

Samantala, agad namang nagbigay ng tulong ang Manila Department of Social Welfare and Development (MDSW) sa pangunguna ni Director Jay Dela Fuente sa 532 apektadong pamilya. Namahagi ng hot meals at family kits sa mga evacuee na pansamantalang nanunuluyan sa Delpan Sports Complex, habang nagpapatuloy ang karagdagang ayuda mula sa pamahalaang lungsod.

Ayon kay Barangay 655 Chairman Johny Yacub, nagpapatuloy pa ang relief operations at damage assessment habang inaalam ang kabuuang sanhi ng sunog at tinutulungan ang mga residenteng nawalan ng tirahan.