Nahulog sa isang drainage canal ang isang sasakyang kinalululan ng tatlong na umano’y tumakas matapos magnakaw sa isang convenience store sa Dacera Avenue, Barangay City Heights, General Santos City.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nawalan ng kontrol sa manibela ang drayber dahilan upang bumangga muna ang sasakyan sa concrete barrier at isang puno bago tuluyang bumagsak sa kanal.
Ayon sa mga awtoridad, nagmamadaling umalis ang mga suspek mula sa isang tindahan sa Salvani Street matapos mapansin ng security guard ang mga kagamitang isinilid nila sa bag.
Nang tangkain umano itong inspeksyunin, agad na tumakbo ang mga suspek.
Isa sa mga ito ang nahuli at pansamantalang inilagay sa kustodiya ng pulisya. Gayunman, pinalaya rin ito matapos magdesisyon ang pamunuan ng convenience store na huwag nang magsampa ng kaso.
Pinabayaran na lamang sa suspek ang mga ninakaw na item na nagkakahalaga ng mahigit ₱3,000.
Samantala, patuloy pang tinutugis ang drayber ng sasakyan na posibleng maharap sa kasong reckless imprudence resulting in damage to property.
Sa imbestigasyon ng Traffic Enforcement Unit, napag-alamang inuupahan lamang ang naturang sasakyan, rehistrado sa Cebu City, at paso na ang rehistro nito.