February 26, 2026

Home BALITA National

ICC, pinabulaanan pagpondo ni Zaldy Co sa imbestigasyon nila sa war on drugs

ICC, pinabulaanan pagpondo ni Zaldy Co sa imbestigasyon nila sa war on drugs
Photo courtesy: File Photo

Nilinaw ng International Criminal Court (ICC) na may sarili umano silang pinagkukunang pondo para sa lahat ng mga aktibidades at imbestigasyong kanilang ginagawa. 

Tila taliwas ito sa kamakailang naging pagsisiwalat sa publiko ng tumatayong abogado ng 18 na mga dating miyembro ng Philippine Marines na si Atty. Levito “Levi” Baligod sa isinagawa nilang press conference noong Martes, Pebrero 24, 2026. 

Ani Baligod, tumanggap umano si dating senador Antonio “Sonny” Trillanes IV ng halagang humigit-kumulang ₱112 milyon o $2 milyon kay dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co para sa pag-aasikaso ng pangangailangan ng International Criminal Court (ICC) investigators sa loob ng Pilipinas. 

KAUGNAY NA BALITA: Antonio Trillanes, tumanggap ng ₱112M kay Zaldy Co para sa ICC investigators!—Atty. Levi Baligod

Ayon naman sa inilabas na ulat ng GMA News mula sa ipinadalang pahayag sa kanila ng ICC Office of the Prosecutor (OTP) nitong Huwebes, Pebrero 26, 2026, sinabi umano ng ICC OTP na nagmumula sa budget ng kanilang Korte na inaprubahan ng ICC Assembly of States Parties ang mga pondong ginagamit nila sa lahat ng kanilang aktibidades. 

National

'Desisyon nila 'yan!' Palasyo, hahayaan NUP sa boto nito sa impeachment vs VP Sara

“OTP activities are funded through the Court’s budget approved by the ICC Assembly of States Parties and subject to established oversight mechanisms,” pagsisimula niya. 

Pagpapatuloy ng ICC, mahigpit daw na pinapangasiwaan ng kanilang opisina ang mga pondong ginagamit nila na may kaugnayan sa “prosecution” at imbestigasyon ng OTP. 

“The costs related to OTP prosecutions and investigations activities, including missions’ expenses are fully covered by this budget managed strictly by the Office in an independent and transparent manner, and in accordance with ICC financial rules and regulations,” anila. 

Depensa ng ICC, mahigpit daw na binabantayan ng ICC legal framework ang paglalabas nila ng mga impormasyon sa mga kasong dinidinig sa kanilang Hukuman at nasa ilalim daw ito ng pamamahala ng ICC Judges, 

“The disclosure of information in the cases before the Court is strictly regulated by the ICC legal framework and under the control of the independent ICC Judges,” diin nila. 

Giit nila, hindi raw maaaring ilabas sa publiko ang mga pangalan ng mga testigo o mga organisasyong pinagkunan ng ebidensya ng OTP. 

“The sources of evidence including names of staff and names of witnesses or institutions/organizations the Office interacts with during its investigations are subject to confidentiality,” pagtatapos nila. 

Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na direktang tugon, reaksyon, o pahayag ang kampo ni Balidog at 18 ex-marines kaugnay rito. 

Nakatakdang muling magsagawa ng pagdinig sa confirmation of charges sa mga kasong kinakaharap ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang ICC ngayong Huwebes, Pebrero 26 hanggang sa darating na Biyernes, Pebrero 27, 2026. 

Nauna nang magsagawa ng pagdinig ang ICC noong Lunes, Pebrero 23, at Martes, Pebrero 24, 2026. 

KAUGNAY NA BALITA: ICC investigators, 'di kailangang suhulan para gawin trabaho nila!—Trillanes

KAUGNAY NA BALITA: #BalitaExclusives: Davao journalist, naghain ng affidavit of denial sa ICC dahil sa ipinakitang video ng prosecution team

Mc Vincent MIrabuna/Balita