Isiniwalat sa publiko ni dating senador Antonio “Sonny” Trillanes IV na Duterte camp umano ang nasa likod ng isinagawang press conference nina Atty. Levi Baligod at lumitaw na 18 na mga dating miyembro ng Philippine Marines.
KAUGNAY NA BALITA: Dating mga kasamahan umano ni Orly Guteza sa pagdadala ng male-maletang pera, lumantad!
Ayon sa naging panayam sa Headstart ng ABS-CBN News Channel (ANC) kay Trillanes nitong Huwebes, Pebrero 26, 2026, sinabi niyang nakakuha raw sila ng impormasyon na galing umano sa kampo ng mga Duterte ang nagpondo at nag-organisa ng isinagawang press conference nina Baligod at 18 ex-marines.
“We’re getting information right now na galing sa Duterte camp ‘yong nag-finance, nag-organize nito, itong mga front, syempre si Baligod ‘yong gustong umeksena diyan,” pagsisimula niya.
Ani Trillanes, nakarehistro umano sa asawa ng dating mambabatas na si Mike Defensor ang isa sa mga sasakyang ginamit ng 18 ex-marines sa kanilang presscon.
“Pero nakita namin ‘yong iba’t ibang mga impormasyon like the cars used by the marines sa pagpunta noong presscon ay naka-register ‘yong sa asawa ni Mike Defensor. ‘Yong isang vehicle,” aniya.
Dagdag pa niya, “Makikita mo, ano ito, hindi ito nangyari at random. 18 ex-soldiers, paano sila nag-usap-usap? We can imagine how they organized this.”
Pagdidiin pa ni Trillanes, talagang ginawa raw ng kampo ng mga Duterte ang inilunsad na press conference nina Baligod at 18 ex-marines dahil ang mga ito rin daw ang makikinabang nang higit dito.
“Ano ito, talagang ginawa ito noong kampo ni Duterte they stand to benefit most from this,” pagtatapos niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na tugon, reaksyon, o pahayag ang kampo ni Baligod, Defensor, at 18 ex-marines kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: ICC investigators, 'di kailangang suhulan para gawin trabaho nila!—Trillanes
KAUGNAY NA BALITA: Trillanes, tinangging tumanggap ng $2M kay Zaldy Co para sa ICC investigators; nag-amba ng cyber libel case!
Mc Vincent Mirabuna/Balita