February 26, 2026

Home BALITA National

Usec. Castro, sa mga inuuna politika: 'Mag-isip-isip, baka hindi kayo qualified!'

Usec. Castro, sa mga inuuna politika: 'Mag-isip-isip, baka hindi kayo qualified!'
Photo courtesy: PCO

Bumuwelta si Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro sa mga inuuna umano ang politika at pinayuhan niyang mag-isip daw ang mga ito dahil baka hindi raw sila kwalipikado sa inaasam na posisyon. 

Ayon sa isinagawang press briefing ni Castro nitong Miyerkules, Pebrero 25, 2026, sinabi niyang hindi pa raw niya nakakausap si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., tungkol sa naging pahayag nito noon sa ginanap na ASEAN Editors and Economic Opinion Leaders' Forum na may naisip na raw siyang mga indibidwal para sa Halalan 2028 at tumanggi umano sa kaniya ang ilan sa mga ito. 

“Hindi pa po tayo nakausap ng Pangulo patungkol diyan. Kapag nakausap ko na po ang Pangulo patungkol diyan, bibigyan ko kayo ng detalye. Sa ngayon, ang sabi po ng Pangulo talaga ang tutok po niya ay serbisyo,” pagsisimula niya. 

Ani Castro, nauna na rin naman daw ilahad sa publiko ng Pangulo ang sinabi niyang mga kinakailangang taglayin ng isang tatakbong Pangulo ng Pilipinas sa susunod na eleksyon. 

“Pero nadinig n’yo rin po kung ano ba ang mga requirements or at least mga kinakailangan para sa isang lider na dapat mamuno bilang Pangulo,” aniya. 

National

'Kung gaano ka-traffic ang EDSA, ganoon din ang pangakong reporma nito!' -Cendaña

Dagdag pa niya, “Ang sabi niya [ni PBBM] ay dapat nakakaintindi ng economics. Ang sabi din niya ay dapat naiintindihan ang tungkol sa inflation pati ang paggawa ng trabaho at pang-food supply. At mga tao dapat na leader ay hindi inuuna ang politika kung hindi kung paano paunlarin ang bansa.” 

KAUGNAY NA BALITA: PBBM, inilatag mga katangian ng dapat na ibotong Pangulo ng bansa

Dahil dito, nagawang patutsadahan ni Castro ang ilan umanong inuuna ang politika at sinabi niyang mag-isip-isip ang mga ito dahil baka hindi naman daw sila kwalipikado. 

“So sa mga nangunguna o inuuna ang pamumulitika sa ngayon, mag-isip-isip at baka hindi kayo qualified,” diin niya. 

“Dapat mag-isip-isip sila kung sila ba ay makakatulong sa bayan o makakapagpayaman lamang ng sarili,” pagtatapos pa niya. 

Samantala, wala namang partikular na pangalang binanggit si Castro kaugnay kung sino ang tinutukoy niyang personalidad. 

MAKI-BALITA: Palasyo sa paglitaw ng 18 marines: 'Lousy script, hindi pang-award-winning!'

Mc Vincent Mirabuna/Balita