Muling nagkomento si Sen. Imee Marcos hinggil sa naging pag-anunsyo ni Vice President Sara Duterte para sa kaniyang presidential bid.
Sa pagharap ni Sen. Imee sa media nitong Miyerkules, Pebrero 25, 2026, iginiit niyang may kinalaman daw sa pagkalugmok ng mga tagasuporta ng pamilya Duterte ang naging kumpirmasyon ni VP Sara sa pagtakbo niyang pagkapangulo sa 2028.
“Nalulugmok na kasi at nalulungkot siguro yung mga naniniwala kay VP Sara, sa mga Duterte. Sobrang bugbog na sila eh. SIguro pambigay-buhay na lang 'yon,” anang senadora.
Dagdag pa niya, “At kahit walang masyadong handa, wala namang line-up, walang running-mate na maayos, sige na lang.”
Nang tanungin ng media kung seryoso daw ba ang naging pag-anunsyo ni VP Sara, sagot ng senadora, “At kahit walang masyadong handa, wala namang line-up, walang running-mate na maayos, sige na lang.”
Matatandaang noong Pebrero 18, nang inanunsyo ni VP Sara ang kaniyang desisyong tumakbp sa susunod na presidential elections.
“Ako si Sara Duterte, tatakbo bilang Pangulo ng Pilipinas,” anang Pangalawang Pangulo.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, inanunsyong tatakbong Pangulo sa 2028!
Samantala, kamakailan lang din nang ihayag ni VP Sara na mayroon na raw siyang nililigawan upang kaniyang maging running-mate, bagama’t hindi niya ito direktang pinangalanan.
‘May ni-recruit ako. Hanggang diyan lang ha. Hanggang diyan lang ang sasabihin ko. Ni-recruit ko siya last year pa,” ani VP Sara.
Saad pa ng Pangalawang Pangulo, hindi muna dapat pag-usapan ang nasabing personalidad, upang maprotektahan ito at mabigyan pa ng sapat na pagkakataong makapag-isip.
“Kaso, huwag na muna natin ‘yan pag-usapan. Protektahan natin ‘yong tao hanggang sa makapagdesisyon siya, kung anong gagawin niya sa karera niya,” anang Pangalawang Pangulo.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, nakaraang taon pa naka-recruit ng running mate sa 2028 elections!