Inilahad sa publiko ni Sen. Erwin Tulfo na isa lang daw ang kailangan nilang humakbang mula sa majority bloc para maganap muli ang kudeta sa liderato ng Senado.
Ayon sa naging pahayag ni Tulfo sa panayam sa kaniya ng isang radio station noong Huwebes, Mayo 21, 2026, sinabi niyang numero lang daw sa boto ng mga miyembro ng majority at minority ang nananatiling hadlang kaya hindi pa muli nagkakaroon ng kudeta sa Senado.
“Kapag hindi po natutuloy ang isang kudeta, ang problema po diyan is number,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Ako naman po, kami naman po, we will always stay in the minority. Wala naman pong nagba-badge sa amin. Papaano po ‘yan? Doon naman sa kabila, wala rin namang nagba-badge. Wala rin naman pong gustong sumama sa amin.”
Ani Tulfo, dumikit na lang daw sa isa ang kalamangan ng panig ng majority bloc mula sa 13-11 patungong 12-11 nang hindi na muli pang dumalo si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa sesyon ng Senado sanhi ng inisyung warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) laban dito.
“Sabi nga nila, 13-11. Nabawan, 12-11. Isa lang ang kailangan. Actually, isa na nga lang kailangan, ‘di ba, para maging 12 kami, 11 sila,” aniya.
Diin pa ni Tulfo, “Isang tao lang ang kailangan. Hindi naman marami.”
Pagpapatuloy niya, tuloy-tuloy pa rin daw ang amba ng kudeta sa Senado at matatapos daw ang “boksing” kapag may isang miyembro ng majority bloc ang papanig sa minority.
“On going po ‘yan. Tuloy-tuloy po ‘yan dahil look at the number, 12-11. Parang matutukso ka, e,” ‘ika niya.
“12 lang sila, 11 kami. Isa lang po ang humakbang diyan, tapos ang boksing,” pagtatapos pa ni Tulfo.
Matatandaang matagumpay na nagkaroon ng kudeta sa Senado noong Mayo 11, 2026, nang makakuha ng 13 boto si Sen. Alan Peter Cayetano para palitan sa liderato si dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III.
KAUGNAY NA BALITA: 'As Senate President, we’re simply here to do our job, however long or short that may be!'—SP Cayetano
KAUGNAY NA BALITA: 'Kung inilagay ako dito ng Panginoon for an 8 day mission, tatanggapin ko 'yon!'—SP Alan