February 25, 2026

Home BALITA National

Sen. Imee, nagulat daw sa pinugang $2M pondo para sa ICC investigators!

Sen. Imee, nagulat daw sa pinugang $2M pondo para sa ICC investigators!
Photo courtesy: Senate of the Philippines (YT), File Photo

Ibinahagi sa publiko ni Sen. Imee Marcos ang tila pagkagulat umano niya sa impormasyong isiniwalat ng abogadong si Atty. Levi Baligod na may $2 milyon daw na inilaan para sa pagdating sa bansa ng mga International Criminal Court (ICC) investigators. 

Matatandaang sinabi ni Baligod sa isinagawa nilang press conference noong Martes, Pebrero 24, 2026 na tumanggap umano si dating senador Antonio “Sonny” Trillanes IV ng halagang humigit-kumulang ₱112 milyon o $2 milyon kay Zaldy Co para sa pag-aasikaso ng pangangailangan ng ICC investigators mula sa isiniwalat ng 18 dating miyembro ng Philippine marine at security personnel ni Co. 

KAUGNAY NA BALITA: Antonio Trillanes, tumanggap ng ₱112M kay Zaldy Co para sa ICC investigators!—Atty. Levi Baligod

Ayon naman sa naging pahayag ni Marcos sa isinagawang niyang press conference sa Senado nitong Miyerkules, Pebrero 25, 2026, sinabi niyang nagulat daw siya sa naturang pagsisiwalat sa publiko ni Baligod. 

“Biglang ito nga ang naging balita. Nagulat ako at may $2 million pa raw para sa gastos ng ICC. Nakakagulat naman ‘yon,” pagsisimula niya. 

National

Sen. Bato nakaluhod, taimtim na nagdarasal sa loob ng simbahan!

Kinuwestiyon ni Marcos ang umano’y dahilan sa likod ng umano’y pagpopondo para sa mga imbestigador ng ICC. 

“Kung binayaran ‘yong mga investigator, puwede ba naman nating sabihin na bias ‘yan o binili ‘yong ebidensya, contaminated ba ‘yan, ano ba ang status niyan, ano ba ang ibig sabihin niyan?” tanong niya. 

“Tapos maya’t maya inaabutan pa ng paper bag at kung ano-ano pang pandagdag daw sa kanilang chibog, tirahan, kung saan-saang lakad nila. Nakakagulat naman ‘yong ganoon.” pagtatapos pa niya. 

Kaugnay nito, matatandaang agad na ring itinanggi o pinabulaanan ni Trillanes ang nasabing alegasyon laban sa kaniya at sinabi niyang magsasampa siya ng kasong cyberlibel laban kina Balidog, dating mambabatas na si Mike Defensor, Jay Sonza, at sa 18 lumitaw na dating security personnel umano ni Co. 

KAUGNAY NA BALITA: Trillanes, tinangging tumanggap ng $2M kay Zaldy Co para sa ICC investigators; nag-amba ng cyber libel case!

KAUGNAY NA BALITA: Dating mga kasamahan umano ni Orly Guteza sa pagdadala ng male-maletang pera, lumantad!

Mc Vincent Mirabuna/Balita