Inilahad sa publiko ng Malacañang ang tugon nila sa umano’y akusasyon ng nagpakilalang 18 na dating miyembro ng Philippine Marines at ng abogadong si Atty. Levi Baligod na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., daw ang ulo pagdadala ng male-maletang pera sa kaniyang bahay noon.
KAUGNAY NA BALITA: Security personnel ni Co, pinatotohanan testimonya ni Guteza; naghahatid umano ng male-maletang pera sa bahay ni PBBM
Ayon sa isinagawang press briefing ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro nitong Miyerkules, Pebrero 25, 2026, sinabi niyang paulit-ulit lang daw na kasinungalingan laban sa Pangulo ang nasabing akusasyon ni Baligod at ng mga lumitaw na dating PH Marines.
“Paulit-ulit na kasinungalingan laban sa Pangulo,” pagsisimula niya.
Ani Castro, “lousy” o pangit na script umano iyon at hindi pasok sa batayan ng pang-award-winning na kasinungalingan.
“Lousy script, hindi pang-award-winning. Hindi malinis [at] alam mo na may kasinungalingan,” aniya.
Pagpapatuloy ni Castro, dapat daw na malaman ng media at publiko ang indibidwal na nagmamay-ari ng sasakyang sumundo kina Baligod at 18 marines upang makilala umano ang tao sa likod ng mga kumalat na akusasyon laban sa Pangulo.
“So, sino ba ang nasa likod nito? Siguro dapat malaman n’yo kung sino ‘yong may-ari ng sasakyan na siyang sumundo sa kanila matapos ang press briefing or press con nila,” saad niya.
Dagdag pa niya, “Dapat n’yong malaman kung sino talaga. Alamin n’yo muna at I believe hindi kayo magugulat, same people.”
Hindi naman na ibinahagi ni Castro sa publiko ang pagkakakilanlan ng nasabing indibidwal.
Pagdidiin niya, hindi na raw nila kailangang mag-utos dahil obligasyon daw ng National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), at Department of Justice (DOJ) na imbestigahan ang mga nagpapakalat ng “fake news” o hindi totoong mga balita.
“Nandiyan ang NBI [at] nandiyan ang PNP. Obligasyon nila na kasuhan ang mga nagpapakalat ng fake news. Dapat pa ba silang utusan? Hindi po. Obligasyon ng NBI, PNP, DOJ,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, hindi pa naman naglalabas ng bagong tugon, reaksyon, o pahayag si Baligod at ang 18 marines kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: Dating mga kasamahan umano ni Orly Guteza sa pagdadala ng male-maletang pera, lumantad!
KAUGNAY NA BALITA: Antonio Trillanes, tumanggap ng ₱112M kay Zaldy Co para sa ICC investigators!—Atty. Levi Baligod
Mc Vincent Mirabuna/Balita