Naghain ng ethics complaint ang isang civil society group laban kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa Senate Committee on Ethics and Privileges nitong Miyerkules, Pebrero 25, 2026 dahil umano sa kaniyang “prolonged absence from official duties.”
Ayon sa grupong Wag Kang KuCorrupt, ang patuloy na hindi pagpasok ng isang nakaupong senador at hindi pagtupad sa kaniyang mga tungkulin ay malinaw na paglabag sa tiwalang ipinagkaloob sa kaniya ng taumbayan.
“The continued failure of a sitting Senator to report for work and perform the functions of his office constitutes not only a clear dereliction of duty, but also a grave abuse of the privilege entrusted to him by the Filipino people. As an elected public official receiving compensation from public funds, a Senator carries the constitutional and moral obligation to attend sessions, participate in legislative deliberations, and full oversight responsibilities,” pahayag ng grupo.
Kabilang sa mga miyembro ng Wag Kang KuCorrupt sina dating Finance Undersecretary Cielo Magno at dating mambabatas na si Barry Gutierrez.
“Sana po ay matugunan ito ng Senate Committee at magkaroon ng sanction dahil hindi dapat tino-tolerate yung mga ganitong kilos na hindi pumapasok sa trabaho at hindi ginagawa ang tungkulin bilang isang senador,” ani Magno.
Inihain ang reklamo sa Senate Ethics Committee na pinamumunuan ni Senador JV Ejercito.
Samantala, ipinagtanggol naman ni Sen. Imee Marcos ang kaniyang kapwa mambabatas at iginiit na hindi nito ginusto ang kaniyang pagliban.
“Ginusto ba n’ya yun? Eh, si Senator Bato, kilala ko yun eh. Atat-atat magtrabaho yun. Aga-aga pumasok... Ang problema, hindi siya nakakasigurado na bibigyan talaga siya ng proteksyon dahil may iba't ibang sinasabi dito. Kaya yun nga ang alma niya. Pero kung sa pagtatrabaho hindi naman siguro pwedeng sabihin na ayaw niya magtrabaho. Napipilitan lang yung tao,” ani Marcos.
Hindi na dumadalo si dela Rosa sa mga plenary session ng Senado mula pa noong Nobyembre 11, 2025, matapos ihayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na naglabas umano ng arrest warrant laban sa kaniya ang International Criminal Court.
Si dela Rosa, na dating hepe ng Philippine National Police, ay tinukoy bilang isa sa mga umano’y “co-perpetrators” sa kasong crimes against humanity kaugnay ng nakakulong na dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ICC.