Direktang hinikayat ni Sen. Imee Marcos ang 18 na dati umanong security personnel ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co na pumunta at humarap umano sila sa Senado upang doon patunayan ang affidavit na isinapubliko nila sa isang press conference noong Martes, Pebrero 24, 2026.
KAUGNAY NA BALITA: Dating mga kasamahan umano ni Orly Guteza sa pagdadala ng male-maletang pera, lumantad!
Ayon sa isinagawang press conference ni Marcos sa Senado nitong Miyerkules, Pebrero 25, 2026, nanawagan siya sa nasabing lumantad na mga miyembro ng Philippine Marine na ilatag daw nang malinaw ng mga ito ang mga paratang na kanilang isinapubliko.
“Nananawagan din ako sa ating magigiting na kasapi ng Philippine Marines na kung may paratang, ilatag ninyo nang malinaw, kung may ebidensya, ilabas ninyo nang buong tapang,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Kung baga sa maleta, mananatiling sikreto ang lamang niyan kung hindi ilalatag sa lamesa at bubuksan. Dito natin buksan sa Senado at suriin ang maleta ng katotohanan.”
Ani Marcos, hindi raw maaaring “trial by publicity” lang mangyari sa kanilang naging paglantad lalo na kung may mga nayurakan umano ang dangal ng Kongreso ay mga kasamahan niyang mambabatas.
“Hindi maaaring trial by publicity ang mangyari. Hindi maaaring ang institusyon ng Senado, pati na rin ang Kongreso, ang dangal ng bawat halal ng bayan, senador man o kongresista, ay mayurakan nang walang kalaban-laban,” aniya.
Depensa ng senador, ang Senado raw ang tinig at tanggulan ng bansa kaya niya ito pinoprotektahan at hindi dahil sa mga kaibigan niya ang miyembro nito.
“Pinoprotektahan ko ang Senado hindi dahil sa mga personalidad, hindi dahil kaibigan ko sila, kundi dahil ito ang tinig at tanggulan ng ating bansa,” saad niya.
Pagpapatuloy ni Marcos, dapat daw na Senado mismo magharap-harapan ang mga nasabing lumantad na opisyal at manumpa ang mga ito sa ilalim ng batas at sa harap ng publiko.
“Kaya kung ang mismong tanggulan ang inaakusahan, marapat din na dito magharap-harapan na. Sa ilalim ng panunumpa, sa ilalim ng batas, sa harap ng taumbayan,” ‘ika niya.
“Huwag tayong masiyahan sa likod lamang ng press conference. Kung kayong tunay na naglilingkod sa katotohanan, magharapan tayo dito sa Senado. Ang Senado ay hindi tatakbo o tatalikod lalo na kung may nadawit na hindi dapat,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon ang kampo ng mga nasabing dating security personnel ni Co.
KAUGNAY NA BALITA: Security personnel ni Co, pinatotohanan testimonya ni Guteza; naghahatid umano ng male-maletang pera sa bahay ni PBBM
KAUGNAY NA BALITA: Antonio Trillanes, tumanggap ng ₱112M kay Zaldy Co para sa ICC investigators!—Atty. Levi Baligod
KAUGNAY NA BALITA: Trillanes, tinangging tumanggap ng $2M kay Zaldy Co para sa ICC investigators; nag-amba ng cyber libel case!
Mc Vincent Mirabuna/Balita