February 25, 2026

Home BALITA Probinsya

Lalaking nasakote ng pulisya sa pagnanakaw ng avocado, tumakas at nang-hostage ng buntis!

Lalaking nasakote ng pulisya sa pagnanakaw ng avocado, tumakas at nang-hostage ng buntis!

Isang 41-anyos na lalaki ang naaresto matapos umanong magnakaw ng mga avocado sa isang sakahan sa Barangay Lourdes, Dangcagan, Bukidnon, na nauwi pa sa hostage crisis nang tangkain niyang tumakas sa kustodiya ng pulisya.

Kinilala ng mga awtoridad ang suspek na si alyas “Robert,” na umano’y kinuha ang mga inaning avocado nang walang pahintulot ng may-ari ng sakahan noong araw ding iyon.

Humingi ng tulong ang barangay captain sa pulisya kaya agad rumesponde ang mga tauhan ng Dangcagan Municipal Police Station at inaresto ang lalaki upang sampahan ng kasong theft.

Habang isinasakay papunta sa himpilan, nakahanap umano ng pagkakataon ang suspek na makatakas at tumakbo patungo sa kalapit na residential area. 

Sapilitan itong pumasok sa isang bahay sa Purok 1C at hinablot ang isang buntis na babae sa loob.

Probinsya

Inabandonang sanggol, natagpuan sa gilid ng creek!

Tinakot ng suspek ang biktima gamit ang kutsilyo sa kusina at nagbanta ng pananakit upang hindi na muling madakip.

Agad namang nagbigay-alam ang mga residente sa pulisya, dahilan upang magsagawa ang mga awtoridad ng containment at negotiation operation sa lugar.

Ayon kay Joffrey Taghap, Officer-in-Charge ng Dangcagan Municipal Police Station, nagsimula ang insidente sa simpleng reklamo ng pagnanakaw ngunit lumala dahil sa takot ng suspek na maaresto.

Nakipag-usap ang police negotiators sa lalaki habang pinanatili ang mahigpit na pagbabantay sa paligid upang matiyak ang kaligtasan ng mga sibilyan.

Matapos ang tensiyong negosasyon, napasuko ng mga pulis ang suspek at nakuha ang kutsilyo nang walang karagdagang karahasan.

Ligtas na nailigtas ang buntis at agad itong dinala sa ospital para sa pagsusuri. Kinumpirma ng mga doktor na nasa maayos na kondisyon ang biktima matapos ang insidente.

Nahaharap ang suspek sa mga kasong theft, hostage-taking, at resistance and disobedience to persons in authority.