February 25, 2026

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Kylie Padilla, hindi ininsulto ang amang si Sen. Robin; gusto ng tahimik na buhay

Kylie Padilla, hindi ininsulto ang amang si Sen. Robin; gusto ng tahimik na buhay
Photo courtesy: via MB

Nilinaw ng Kapuso actress na si Kylie Padilla na hindi niya intensiyong insultuhin ang kaniyang amang si Sen. Robin Padilla matapos ang naging pahayag niyang aalis siya ng Pilipinas sakaling tumakbo ito sa mas mataas na posisyon sa politika.

Matatandaang naurirat si Kylie ng showbiz reporters sa media conference ng pelikulang “The Lotto Winners” nang tanungin tungkol sa posibilidad na pagtakbo ng kaniyang ama sa 2028 elections.

Lumutang kasi ang pangalan ni Sen. Padilla bilang isa sa mga posibleng maging ka-tandem ni Vice President Sara Duterte sa pagtakbo nito sa pagkapangulo.

Sa video clip na ibinahagi ng News 5 noong Martes, Pebrero 24, natatawang sagot ni Kylie, “Aalis na ’ko ng Pilipinas.”

“No reaction, but… aalis na ’ko ng Pilipinas!” pabirong ulit pa niya.

Tsika at Intriga

Kylie Padilla, kumambyo sa 'aalis ng Pilipinas' kapag tumakbong VP ang tatay niya

Nang tanungin kung sinusuportahan ba niya ang political career ng ama, muli niyang sinabi, “Aalis na po ako ng Pilipinas… iyon lang po ang comment ko.”

Gayunman, agad din siyang kumambyo at nilinaw ang kaniyang panig.

"Hindi, ano lang naman, I trust in my father’s judgment, ’yon lang,” aniya.

Kaugnay na Balita: Kylie kapag tumakbong VP ang erpat na si Sen. Robin: 'Aalis na ako ng Pilipinas!'

Kasunod ng pagkalat ng kaniyang pahayag at reaksiyon dito ng mga netizen, naglabas si Kylie ng mensahe sa kaniyang Instagram upang linawin ang isyu at maiwasan ang maling interpretasyon sa kanyang mga sinabi.

Ayon sa aktres, huwag sanang gamitin laban sa kaniyang ama ang naging pahayag niya. Hinahangaan daw niya ang mabubuting ginagawa nito para sa bansa at iginiit na hindi niya intensyong maliitin o insultuhin ang sinuman.

Dagdag pa niya, hindi niya sinabi ang naturang komento upang saktan o bastusin ang kaniyang ama o kahit sino man. Ipinahayag din niya ang pagmamahal sa ama at ang hangarin na maging masaya at ligtas ito palagi.

Sa naturang Instagram story, mababasa rin na nilinaw niyang karapatan din niya bilang anak at mamamayan na magpahayag ng sariling saloobin, ngunit hindi ito dapat gawing isyu laban sa kaniyang ama.

"I only meant that aalis po ako ng [P]ilipinas kasi gusto ko ng tahimik na buhay. It was not a comment to insult my father because I trust in his judgement and all the good he is doing for this country. But I think it is also my right to know what kind of life I want to live. And that is a quiet peaceful life," aniya.

Sa kaniyang Facebook post, naglabas din ng kaniyang paliwanag si Kylie tungkol dito.

"Please do not take my statement and use it against my father. I admire all the good he is doing for our country. I only made the comment out of my desire to live a calm, peaceful and quiet life. Di ko sinabi yun to insult him or anyone else. I love him and only wish for him to be happy and safe always," aniya.

Kaugnay na Balita: Kylie Padilla, kumambyo sa 'aalis ng Pilipinas' kapag tumakbong VP ang tatay niya

Matatandaang nauna nang sinabi ni Sen. Robin Padilla na wala umano siyang balak tumakbo sa pagka-bise presidente sa 2028, bagama't susundin niya kung ano ang iuutos sa kaniya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, bilang chairman ng PDP Laban.