Nagpahayag ng kaniyang pagninilay at pag-asa si Kapuso Primetime King Dingdong Dantes kaugnay ng paggunita sa ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution nitong Miyerkules, Pebrero 25, na isang mahalagang yugto sa kasaysayan ng Pilipinas na nagpakita ng lakas ng nagkakaisang mamamayan.
Sa kaniyang Facebook post, binigyang-diin ng aktor na taon-taon ay ipinapaalala sa mga Pilipino na ang tunay na kapangyarihan ay nasa taumbayan.
Para sa kaniya, ito ang pinakadiwa ng EDSA People Power—isang sandali sa kasaysayan na nagpatunay kung ano ang kayang gawin ng sambayanang Pilipino kapag ito ay nagkakaisa.
Ayon kay Dantes, ang EDSA ay hindi lamang isang alaala ng nakaraan kundi isang paalala na bilang isang bayan, lampas sa anumang pagkakaiba ng paniniwala o pananaw, may papel ang bawat isa sa paghubog ng lipunan at ng mismong kasaysayan ng bansa.
"Taon-taon ipinapaalala sa atin na ang tunay na kapangyarihan ay nasa taumbayan. Para sa akin, iyan ang diwa ng EDSA People Power, isang sandali sa ating kasaysayan na nagpakita kung ano ang kayang gawin ng nagkakaisang Pilipino, at paalala na bilang isang bayan, lampas sa anumang pagkakaiba o paniniwala, may papel tayong lahat sa paghubog ng ating lipunan at kasaysayan," aniya.
Ipinahayag din ng aktor ang kaniyang pag-asa para sa nakababatang henerasyon.
Aniya, mahalagang hindi lamang alalahanin ang EDSA bilang bahagi ng kasaysayan, kundi tunay na maunawaan ang diwa nito—ang sama-samang pananagutan, pagkakaisa, at ang pangangalaga sa demokrasya.
"My hope, especially for the younger generation, is that we don’t just remember EDSA as history, but truly understand the spirit behind it: shared responsibility, unity, and the protection of our democracy," saad niya.
Photo courtesy: Screenshot from Dingdong Dantes (FB)
Dagdag pa niya, patuloy na gumagabay sa kasalukuyan ang diwa ng People Power bilang makapangyarihang simbolo ng pag-asa. Isa rin itong paalala na maraming bagay ang maaaring makamit kung kikilos ang mamamayan bilang iisang bayan.
Sa huli, iginiit ni Dantes na nagpapatuloy ang gawain ng pagbubuo ng bansa sapagkat marami pang dapat gawin upang makamit ang mas maayos at mas makatarungang lipunan para sa lahat ng Pilipino.
"The spirit of People Power continues to guide us. It remains a powerful symbol of hope, a reminder of what is possible when we move ahead as one people. The work of nation-building continues because there is still much to be done," pahayag niya.