Nagkomento si Senate President Tito Sotto sa mga umuusbong na paratang na kumalat kaugnay ng umano’y pagtanggap niya ng suhol na “male-maletang pera,” na iniugnay sa isang grupo umanong 18 miyembro ng Philippine Marines na naglabas ng mga alegasyon laban sa ilang opisyal ng pamahalaan.
Idinaan na lamang ni Sotto sa biro ang amubush interview sa kaniya ng media nitong Miyerkules, Pebrero 25, 2026.
“I will not dignify a tall story allegation. Ang nakakatawa roon, baka hanapin sa akin ng asawa ko ’yung limang maleta.”
Hindi niya tinanggap at tinawag na labis na katawa-tawa ang mga paratang na ibinabato laban sa kaniya at iba pang mambabatas.
Matatandaang lumutang ang isyu ng male-maletang pera ay lumutang matapos magdaos ng press conference ang 18 umanong dating security personnel ni dating Congressman Zaldy Co na pinangungunahan ni Atty. Levi Baligod.
KAUGNAY NA BALITA: Dating mga kasamahan umano ni Orly Guteza sa pagdadala ng male-maletang pera, lumantad!
Ayon sa kanila, ilang beses umanong nag-deliver sila ng mga maleta na puno ng pera sa mga matataas na opisyal ng gobyerno, kabilang sina Pangulo Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at dating House Speaker Martin Romualdez, pati na rin sa mga kampo na konektado sa pagtulong sa pagpopondo sa pagdating ng mga imbestigador ng International Criminal Court (ICC).
Sinabi ni Baligod na ang mga maleta ay naglalaman ng malaking halaga ng pera na, aniya, mula sa mga proyekto ng gobyerno at ginamit para sa iba’t ibang layunin kasama na ang pag-asikaso sa legal na usapin sa ICC laban sa dating Pangulong Rodrigo Duterte.
May mga reaksyon din mula sa Philippine Navy at Armed Forces of the Philippines (AFP) na nagbabala laban sa pagpapalaganap ng hindi pa beripikadong impormasyon at sinabi na dapat dumaan ito sa wastong proseso at imbestigasyon bago igiit ang anumang paratang.
Ayon sa Navy, ilang sa mga nag-aakusang dating sundalo ay hindi aktwal na miyembro ng Corps o may hindi magandang record sa serbisyo.
Hanggang sa kasalukuyan, wala pa ring pormal na legal na pag-uusig o patunay sa korte hinggil sa mga paratang na ito, at ang mga nasasangkot na opisyal, kabilang si Sotto, ay mariing tumatanggi sa mga ito.