Usap-usapan ang reaction post ng isang beteranong mamamahayag mula sa Davao City matapos niyang pabulaanan ang interpretasyon ng International Criminal Court (ICC) prosecution team hinggil sa isang CCTV footage na iniharap bilang ebidensya laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, sa kinahararap na kasong crimes against humanity sa war on drugs noong administrasyon niya.
Ito ay kasabay ng pagsisimula ng pagdinig noong Lunes, Pebrero 23 para sa kumpirmasyon ng mga sakdal o confirmation of charges laban sa dating pangulo.
Inaasahang matatapos ang pagdinig sa Biyernes, Pebrero 27 sa ilalim ng pamumuno ni Presiding Judge Iulia Antoanella Motoc.
Ayon sa ulat ng Mindanao Times, na inilathala noong Martes, Pebrero 24, 2025, isa raw sa mga inilatag na ebidensya ng prosekusyon ay isang video noong 2013 kaugnay ng pagpatay sa tatlong hinihinalang magnanakaw sa Agdao Public Market sa Davao City.
Batay pa sa ulat, ayon umano sa ICC prosecutors, makikita raw nasabing footage si FPRRD na tila ipinagmamalaki o “nagmamayabang” kaugnay ng insidente, na anila’y indikasyon na ang mga salarin, na pinaniniwalaang may kaugnayan sa tinaguriang “Davao Death Squad” (DDS), ay kumilos nang may basbas ng awtoridad.
Ngunit pinabulaanan umano ito ng dating Davao journalist na si Ben Tesiorna, na ang pangalan sa Facebook account niya ay "Aeson Anroiset." Ayon sa kaniya, naroon umano siya nang kunan ang video at ang tinutukoy umano ni Duterte sa naturang footage ay ang kakayahan ng mga bagong install na high-tech CCTV camera ng lungsod—lalo na ang kakayahan nitong mag-zoom mula sa malayong distansiya—at hindi ang pagpatay sa mga suspek.
Batay pa sa ulat, sa pananaw ni Tesiorna, mali umano ang pagbasa ng prosekusyon sa konteksto ng video at hindi ito patunay ng pag-endorso sa extrajudicial killings (EJK).
"Ako mismo kumuha ng video na yan and nowhere in the video was FPRRD gloating about the killing. He was very proud of the hightech CCTVs installed that can zoom in to several meters. That was more than a decade ago," mababasa sa umano'y comment niya.
Photo courtesy: via Mindanao Times (FB)
Nakasaad pa sa nabanggit na ulat na ang pahayag ng dating journalist ay inaasahang magagamit ng kampo ng depensa ni FPRRD, sa pangunguna ni Atty. Nicholas Kaufman.
Nauna nang inakusahan ng defense team ang prosecution ng “cherry-picking” o pagpili lamang ng mga bahagi ng pahayag na aangkop sa kanilang teorya ng isang sistematikong kampanya laban sa mga hinihinalang kriminal.
Nakipag-ugnayan ang Balita kay Tesiorna subalit wala pa siyang tugon o pahayag tungkol dito. Bukas ang Balita sa kaniyang panig. Wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang kampo ng ICC prosecution tungkol sa isyu.