Viral ang Facebook post ng isang netizen na tila napapatanong kung sino ba talaga ang kapatid ni Sheerah Escudero na umano'y isa sa mga napatay at biktima ng extra-judicial killings (EJK) na idinidikit sa war on drugs sa administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na muli namang nauungkat dahil sa pagsisimula ng confirmation of charges hearing kaugnay sa kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC), nitong Lunes, Pebrero 23.
Ibinahagi ng nabanggit na netizen ang larawan ni Sheerah na parehong may hawak na larawan ng isang lalaki, subalit mapapansing magkaiba ang identidad o magkaibang tao ito.
Ang EJK victim na kapatid ni Sheerah ay si Ephraim Escudero na napatay sa EJK noong Setyembre 21, 2017.
Mababasa sa post niya, "Sino ba ang totoong kapatid hi sheerah Escudero?sa 2025 iba ang hawak niya litrato at sinasabi niya kapatid niya. At ngayon 2026 iban naman ang kapatid niya. Baka sa 2027 maging kapatid niya si Trillanes."
Sa unang larawan, nakalagay sa caption na ito ay 2025 habang sa ikalawang larawan naman, ito ay kuha na nitong 2026 at nakalagay na si Ephraim ito.
Habang isinusulat ang artikulong ito, umabot na sa 17k laugh reactions, 2.6k shares, at 2k comments ang nabanggit na post.
Photo courtesy: Screenshot mula sa viral Facebook post
Kamakailan lamang, muling naging matunog ang pangalan ni Sheerah matapos niyang sabihin sa isang panayam na "nawala" ang kaniyang kabataan dahil sa nangyari sa kaniyang kapatid.
Ayon pa sa kaniya, halos mag-isang dekada na simula ng pumanaw ang kaniyang kapatid na nakitang nakabalot sa packaging tape.
Magkagayunman, handa pa rin daw siyang lumaban para makamit ang hustisya para sa kaniyang kapatid.
FACT CHECK TUNGKOL SA UNANG LARAWAN
Ang isyu at mga alegasyon tungkol sa magkaibang litratong ito ay una nang pinag-usapan noong 2025, kung saan, marami na ring netizens ang napataas ang kilay tungkol dito.
Nangyari ang paglitaw ng mga kaanak ng EJK victims matapos dalhin si FPRRD sa The Hague, Netherlands noong Marso 11, 2025 kung saan naroon ang himpilan ng ICC. Bitbit nila ang larawan ng mga kaanak nilang napatay sa war on drugs, at kabilang na rito si Sheerah.
Ayon sa artikulong nailathala sa AFP Fact Check noong Abril 9, 2025, na mababasa sa kanilang website,
Photo courtesy: Screenshot from AFP
Nagmula ito sa isang ulat na ipinalabas ng "Frontline Weekend ng TV5" at ginawan lamang ng edited version.
Makikita roon si Escudero na may hawak na ibang larawan.
Ayon sa opisyal na Facebook page ng News5, inedit ang kumalat na video mula sa isang ulat na ipinalabas sa weekend version ng Frontline Pilipinas noong Marso 15 tungkol sa mga mahal sa buhay ng mga biktima ng drug war.
Hinimok din nito ang publiko na maging mas mapanuri sa mga post sa social media.
Mababasa sa kanilang anunsyo noong Marso 18, 2025, "Kumakalat ngayon online ang video kung saan in-edit ang isang ulat na lumabas sa #FrontlineWeekend nitong March 15 ukol sa mga naulila ng mga biktima ng drug war."
"Maging mapanuri at maingat sa mga peke at gawa-gawang post, larawan, at video na nakikita sa social media," anila pa.
Photo courtesy: Screenshot from News 5 (FB)
Inilakip din nila ang link ng original video ng ulat.
Ibig sabihin, ang nasa pangalawang larawan ang tumpak na tumutukoy sa kapatid ni Sheerah na siyang sinasabing biktima ng EJK, at hindi ang nasa unang larawan, na sinasabing fabricated at edited lamang.
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang kampo ni Escudero patungkol dito. Bukas ang Balita sa kaniyang panig.