Personal na bumisita at nakiramay si Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go sa burol ng yumaong lola ng misis ni Sen. Robin Padilla na si Mariel Rodriguez-Padilla.
Ayon sa mga larawang ibinahagi ni Go sa kaniyang Facebook post nitong Martes, Pebrero 24, 2026, makikita ang pakikipagdalamhati niya kina Robin at Mariel sa pagpanaw ng lola nitong dating aktres at naging prominenteng personalidad sa Philippine entertainment industry na si May Panlilio Sazon sa Heritage Memorial Park sa Taguig City noong Lunes, Pebrero 23.
“Personal na nagpaabot ng pakikiramay si Senator Bong Go kina Ms. Mariel Rodriguez-Padilla at Senator Robin Padilla, at sa buong pamilya na naiwan ni Lola May Panlilio Sazon sa Heritage Memorial Park sa Taguig City nitong Lunes, February 23, 2026,” mababasa sa simula ng caption ng nasabing post.
Screenshot mula FB post ni Go.
Pagpapatuloy niya, “Sa edad na 80, pumanaw si Lola May nitong February 21. Ipinaabot ng senador ang kanyang taus-pusong pakikiramay at panalangin para sa pamilya Padilla at Sazon sa gitna ng kanilang pagluluksa.”
Pagbabahagi ni Go, naipasa raw sa Senado ang isang resolusyong kumikilala sa mga naging ambag ni Sazon sa industriya ng pelikula at telebisyon at siyang kinilala rin bilang “Bob Hope of the Philippines.”
“Kinilala rin ni Senator Bong Go ang pagmamahal at inspirasyong iniwan ni Lola May sa kanyang mga apo at sa buong pamilya,” saad niya.
“Sa sesyon naman sa Senado ay naipasa ang isang resolusyon kung saan kinilala ang mga naging ambag ni Lola May sa industriya ng pelikula at telebisyon bilang aktres at kinilala bilang ‘Bob Hope of the Philippines,’” pagtatapos pa niya.
Kaugnay kay Go, kabilang siya sa mga pinangalanan ni International Criminal Court (ICC) Senior Trial Lawyer Julian Nicholls na umano'y co-perpetrator ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, sa isinagawang confirmation of charges hearing noong Lunes, Pebrero 23, 2026.
Samantala, wala pa naman inilalabas na tugon, reaksyon, o pahayag si Go kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Robin kay Phillip Salvador: ‘Isa kang tunay na kaibigan!’
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Bong Go, ipinagdasal si FPRRD: 'Taimtim kong dalangin ang kanyang lakas ng loob'
Mc Vincent Mirabuna/Balita