Sinabi ng Malacañang na bukas si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na aralin ang House Bill (HB) No. 7911, o ang panukalang gawing “regular national holiday” ang petsang Pebrero 25 taon-taon.
Ito ay matapos ihain nina Akbayan Party-list Reps. Chel Diokno, Perci Cendaña, Dadah Kiram Ismula, at Dinagat Islands Party-list Rep. Kaka Bag-ao ang nasabing panukala sa Kamara, bilang paggunita at pag-alala sa mapayapa at matagumpay na EDSA People Power Revolution I noong Pebrero 25, 1986.
MAKI-BALITA: Panukalang gawing 'regular national holiday' ang Pebrero 25, isinusulong ni Rep. Diokno, atbp.-Balita
Sa panayam ng Super Radyo DZBB kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro nitong Martes, Pebrero 24, may mga kinokonsiderang salik ang Pangulo hinggil sa pagdedeklara ng holiday sa nasabing petsa.
“Sa ngayon kasi, special working holiday siya—at na-explain natin ito last year na ang mga tao na nais naman na mag-celebrate at i-commemorate ang celebration ng EDSA People Power, magagawa naman po nila ‘yan,” saad ni Usec. Castro.
Giit niya, “Pero may mga pagkakataon po kasi talagang hindi naman lahat kailangan na ma-consider na holiday kasi ‘yong iba po, umaaray na rin po, ‘yong ibang mga businessman, ‘yong ibang mga kababayan po natin sa negosyo…medyo ‘pag ka madalasan po ang pagho-holiday, ay umaaray po sila. So, isa rin po ito sa tinitingnan po ng Pangulo.”
Pagtitiyak naman ng press officer, handa namang aralin ni PBBM ang nasabing panukala.
''Ibigay lang po nila 'yong versions po nila kay Pangulo para po maaral, at kung maisusumite po nila ito, 'yan naman po ay aaksyunan ng ating Pangulo,” anang press officer.
Samantala, nanindigan din ang Akbayan Party-list na dapat daw ay isabatas na ang naturang panukala.
MAKI-BALITA: 'Dinggin ang boses ng bayan!' Akbayan, idiniing dapat ipasa 'EDSA People Power Bill'-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA