February 24, 2026

Home BALITA National

'Kung ipahiya n'yo ako sa Pilipinas, para akong pumatay!'—Francis Leo Marcos

'Kung ipahiya n'yo ako sa Pilipinas, para akong pumatay!'—Francis Leo Marcos
Photo courtesy: NAPOLCOM (FB)

Mariing naglabas ng kaniyang hinanakit ang vlogger na si Norman Mangusin, o mas kilala sa pangalang “Francis Leo Marcos,” na tila nakapatay umano siya ng tao kung ipahiya sa buong Pilipinas dahil sa pagkakaaresto sa kaniya ng mga awtoridad. 

Ayon sa naging pahayag ni Mangusin sa isinagawang press conference ng National Police Commission (NAPOLCOM) nitong Martes, Pebrero 24, 2026, sinabi niyang natapos na raw lahat ng mga binibintang laban sa kaniya noon pang 2020. 

“Lahat po ng binibintang nila natapos na po noong 2020 pa,” pagsisimula niya, “naging kaso na po lahat ‘yan at na-acquit po ako diyan.” 

Ipinaliwanag rin ni Mangusin ang umano’y pagsasampa nila sa isa’t isa ng kaso ng Pambansang Kamao at dating senador na si Manny Pacquiao.

Aniya, siya raw unang nagsampa ng kaso kay Pacquiao ngunit siya ang unang nasilbihan ng warrant of arrest. 

National

ICC prosecution, ibinalandra kinalaman ng 'co-perpetrators' ni FPRRD sa Tokhang

“Ngayon po ‘yong laban namin ni Pacquiao, ako po ang unang nagsampa ng kaso laban sa kaniya. Opo, ako po ang unang nagsampa, ako unang na-warrant,” diin niya. 

Pagpapatuloy ni Mangusin, para raw siyang nakapatay kung ipahiya sa buong Pilipinas para sa kasong unjust vexation. 

“So unjust vexation lang, kung ipahiya n’yo ako sa buong Pilipinas, grabe para akong pumatay,” saad niya.  

Dagdag pa niya, “‘Yong sinasabi ninyong maraming ako inestafa, 2020 pa lang marami nang nagsasabi niyan, wala naman nagkatotoo kahit isa.” 

Nakuwento rin ni Mangusin na may personal na dahilan daw sa pagsasabi niya ng hindi maganda sa hindi niya pinangalanang heneral. 

“Tapos papahiyain n’yo ako, national TV, ng ganito na kesyo ako daw ay nagmura kay ganito. Merong dahilan po ‘yun kung bakit ako nakapagsalita ng hindi maganda sa isang heneral,” pagtatapos pa niya. 

Matatandaang nakunan pa sa mismong sariling social media live ni Mangusin ang pagsisilbi sa kaniya ng warrant of arrest ng mga awtoridad sa gitna ng kaniyang pagkain sa loob ng isang hotel nito ng Martes, Pebrero 24. 

Tumatagal lamang sa loob ng 26 minutos at mapapanood na bigla na lang siyang nasilbihan ng warrant of arrest. 

Matapos nito, agad namang kinumpirma ni National Police Commission (NAPOLCOM) Commissioner Ralph Calinisan ang pag-aresto ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (CIDG NCR) kay Mangusin sa Sheraton Hotel nitong Martes.

KAUGNAY NA BALITA: Naka-live pa! Francis Leo Marcos, hinainan ng arrest warrant habang kumakain!

Mc Vincent Mirabuna/Balita