February 24, 2026

Home BALITA Politics

DILG Sec. Remulla, pinaimbestigahan ‘makaharing’ pagbiyahe ni Bulacan Gov. Fernando sa NLEX

DILG Sec. Remulla, pinaimbestigahan ‘makaharing’ pagbiyahe ni Bulacan Gov. Fernando sa NLEX
Photo courtesy: DILG Philippines (FB), Daniel R. Fernando (FB)

Binanggit ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla na kasalukuyan nang iniimbestigahan ng Land Transportation Office (LTO)  ang umano’y “makaharing pagbiyahe” ni Bulacan Gov. Daniel Fernando sa North Luzon Expressway (NLEX). 

Ibinahagi ni Remulla sa kaniyang press conference nitong Martes, Pebrero 24, na kinausap na niya si Fernando hinggil sa iba’t ibang reklamong  natanggap nila hinggil sa pagharang nito sa apat na lanes tuwing bumabiyahe sa NLEX.

“Naging ugali na ni Gov. Fernando na pag bumabiyahe siya ng NLEX, apat na lane ‘yong occupied niya, na walang puwedeng mag-overtake. So, ang dami na naming nakuhang complaint na ganoon, na masyado siyang makahari sa lugar niya,” saad ni Remulla. 

“Ako, 11 taong governor, hindi ko ginawa ‘yan. Kaya ko bang harangin ‘yong SLEX? Eh di pinagmumura ako lahat ng tao. Sa kaniya, sa NLEX, hinaharang niya talaga. Siya lang ang puwedeng dumaan. Daig pa ang presidente kung bumiyahe,” dagdag pa ng kalihim. 

Nilinaw rin ni Remulla na ang imbestigasyon sa mga reklamong ito, ay hawak na ng LTO at Police Regional Office 3, kabilang ang umano’y insidente ng road rage sa kahabaan ng NLEX noong gabi ng Sabado, Pebrero 21, kung saan iniugnay ang isa sa mga anak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Politics

‘These are memories I will always cherish:’ Sec. Remulla, gusto rin makiisa sa EDSA 40

Ayon sa ilang mga ulat, kumalat sa social media ang posts na nagsasabing hinarangan ng three-vehicle motorcade ang umano’y sasakyan ng isa sa mga anak ni PBBM, matapos itong mag-overtake sa mga sasakyan, na umano’y sumakop sa tatlong lanes sa NLEX. 

Saad pa sa sa mga ulat, tinatayang 15 kalalakihan ang umano’y bumaba sa mga sasakyan na rehistrado sa munisipyo ng Bulacan, upang komprontahin ang convoy ng “presidential son.” 

Ang pag-ugnay na ito sa isa sa mga “presidential son” ay pinabulananan naman ng Palasyo sa media, noong Linggo, Pebrero 22. 

Gayunpaman, ipinaliwanag ni Remulla na sinuman ang kaugnay sa nasabing insidente, ang imbestigasyon ay patungkol din sa pag-uggali ni Fernando sa kalsada bilang isang gobernador. 

Aniya pa, ang mga kasong ipapataw ay depende na sa magiging resulta ng imbestigasyon ng LTO at Police Regional Office 3. 

“Marami na kasing reports ng road rage na accused siya. Hindi naman criminal act ang ginawa niya, wala naman siyang pinatay, wala namang ginulpi. Wala namang ganoon. Pero it has to stop, hindi puwedeng makahari ‘yong mga governor. Hindi puwedeng ganiyan. You should respect the people’s rights also,” saad ni Remulla. 

Sa kasalukuyan, wala pang opisyal na reaksiyon, tugon, o pahayag si Fernando kaugnay nito. 

Sean Antonio/BALITA