Kinikilala ang media bilang “watchdog” dahil ito ang nagsisilbing tagapagmasid na naghahatid ng impormasyon sa mga mamamayan hinggil sa mga gawain sa loob ng pamahalaan at mga ahensya nito.
Sa pamamagitan ng mga pag-iimbestiga at pag-uulat ng media, nababantayan at natitiyak ang pananagutan ng mga lingkod-bayan, at naihahayag ang mga katiwalain at pang-aabusong nagaganap sa mga opisina.
Isa sa mga naging pangyayari sa kasaysayan na nagpahayag sa importansya ng media sa lipunan ay ang pagkikibaka ng milyon-milyong Pilipino sa EDSA People Power I noong Pebrero 1986.
Mga pangyayari at gampanin ng media bago ang pakikibaka sa EDSA People Power I
Naitala sa kasaysayan na iniutos ni dating pangulong Ferdinand Marcos Sr., sa kaniyang mga opisyal na hawakan ang media at anumang uri ng komunikasyon nito, nang ideklara niya ang martial law sa bansa noong 1972.
Sa mga panahong ito, libo-libong tauhan ng media ang nawalan ng trabaho dahil sa mga naipasarang kompanya o kaya’y nalipat sa pamamalakad ng pamahalaan upang maiwasan ang paglabas ng mga impormasyon na kumokontra sa mga interes nito, ayon din sa mga lathala sa kasaysayan.
Pagtungtong ng dekada 1980’s, umusbong ang alternative press, na nagbigay espasyo sa mga mamamahayag upang magsalita hinggil sa naging negatibong epekto ng media censorship at batas-militar.
Nang masawi si dating senador Benigno “Ninoy” Aquino noong 1983 dahil sa isang asasinasyon pagbalik niya ng Pilipinas, mas lumakas pa ang independent press na ito.
Base sa artikulong inilathala ng Amnesty Philippines, taong 1985, umigting ang pressure ng publiko at mga kaalyado mula sa US kay dating pangulong Marcos Sr., na magdeklara ng snap elections.
Isang grupo rin na binubuo ng mga opisyal ang nagsapubliko ng kanilang panawagan sa reporma sa militar, ngunit sa likod nito, isang kudeta ang nakatakda na nilang isagawa.
Dahil dito, naisakatuparan ang isang snap election sa pagitan nina Marcos Sr., at biyuda ni Ninoy na si Cory Aquino.
Pebrero 7, 1986, nagtalaga ng tinatayang 400,000 volunteer poll watchers ang National Movement for Free Elections (NAMFREL) upang matiyak ang seguridad ng mga boto.
Noong araw rin na ito, hinikayat ni Jaime Cardinal Sin ang publiko na tumulong sa pagprotekta ng ballot boxes, sa pamamagitan ng “Radio Veritas,” na isang Catholic radio station.
Lumabas na si Aquino ang nanguna sa unofficial tally ng NAMFREL ngunit nang lumabas na ang opisyla na bilang, nakita ang paglamang ni Marcos Sr.
Kaya nag-walk out ang 30 computer technicians ng Commission on Elections (COMELEC) bilang protesta dahil sa umano’y pandaraya sa mga lumabas na resulta.
Noong Pebrero 15, opisyal na idineklara ng Batasang Pambansa na nanalo si Marcos Sr., sa snap elections, na nagdulot para magprotesta ang 50 miyembro ng oposisyon.
Pagdating ng Pebrero 16, pinangunahan ni Aquino ang isang “victory rally” kung saan parte nito ang panawagan sa pag-boycott sa media, banko, at mga kaalyado ni Marcos Sr.
Gampanin ng media sa pagsiklab ng EDSA People Power I
Pagtungtong ng Pebrero 22, 1986, naitala sa kasaysayan na kasama si dating Defense Minister Juan Ponce Enrile sa mga nagsapinal ng nasabing kudeta na pangungunahan ni dating Col. Gregorio “Gringo” Honasan.
Ang dapat na sikretong kudeta na ito ay kalauna’y napag-alaman ng Palasyo kaya nakatakda nang tugunan ni dating Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Fabian Ver ang magiging pag-atake.
Kaya muli, sa pamamagitan ng Radio Veritas, nanawagan si Cardinal Sin sa publiko na suportahan si Enrile at ilan pang kaalyado nito na sina dating AFP Vice Chief of Staff General Fidel Ramos at Butz Aquino, na kapatid ni Ninoy.
“My dear people, I wish you to pray because it’s only through prayer that we may solve this problem. This is Cardinal Sin, speaking to the people, especially in Metro Manila,” panawagan ng arsobispo.
“I am indeed concerned about the situation of Minister Enrile and General Ramos. I am calling our people to support our two good friends at the camp. If any of you could be around at Camp Aguinaldo to show your solidarity and your support in this very crucial period, when our two good friends have shown their idealism, I would be very happy if you could support them now,” dagdag pa ni Cardinal Sin.
Sa kabila ng panawagan na ito, hiniling ng arsobispo na iwasan ang dahas at pagdanak ng dugo sa pakikibaka sa demokrasya.
“I would only wish that violence and bloodshed be avoided. Let us pray through our Blessed Lady to help us in order that we can solve this problem peacefully,” kahilingan ni Cardinal Sin.
Naitala sa pag-aaral na pagdating ng 12 ng madaling-araw noong Pebrero 23, tinatayang 20,000 ang tumugon sa panawagan at nagtipon sa Camp Aguinaldo.
Sa mga sumunod na araw ng rebolusyon, libo-libong Pilipino pa ang nakiisa, kung saan, kabilang sa mga dumalo ay mga madre at pari na nanguna sa pagbuo ng “human barricade” at pagdarasal sa harap ng mga tangke ng mga pwersang-militar.
Ang naging malawakang pagtitipon at pakikibaka na ito, sa dagdag na alab ng media, ay naging daan upang mailuklok sa pwesto si dating pangulong Aquino at maibalik ang demokrasya sa media at publikasyon.
KAUGNAY NA BALITA: BALITAnaw: Paggunita sa unang EDSA People Power Revolution
Sa mga sumunod pang taon at administrasyon, naipasa ang ilan pang batas upang proteksyunan ang kalayaan sa pagpapahayag, tulad ng Cybercrime Prevention Act in 2012.
Sean Antonio/BALITA