Idiniin ng International Criminal Court (ICC) Prosecution na nagresulta umano ng libong pagkamatay ng mga sibilyan ang naging kampanya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na “War on Drugs” noon.
Ayon sa isinagawang unang pagdinig ng ICC nitong Lunes, Pebrero 23, 2026, nabanggit ni ICC Deputy Prosecutor Mame Mandiaye Niang sa kaniyang paghahayag ng opening statement na kabataan ang karamihan sa libong naging biktimang sibilyan ng giyera kontra droga.
“Overall, Duterte’s so-called ‘war on drugs’ resulted in the killings of thousands of civilians from the 1st of November, 2011 to the 16th of March 2019 and many of these victims were children,” diin niya.
Pagpapatuloy ni Niang, marahas na pagpatay, “abducted” o dinukot, at minaltrato ang ilan sa mga sinapit at naranasan ng mga naging biktima ng nasabing kampanya noon ng dating Pangulo.
“The victims of extrajudicial killing charge of this case were brutally murdered, some after having been abducted and mistreated,” saad niya.
Ani Niang, hindi raw kagaya ni FPRRD, karamihan sa naging biktima ng “War on Drugs” ay hindi nakaranas ng “due process.”
“Unlike Mister Duterte who is represented by his counsel here today, they were deprived of any form of due process,” aniya.
‘Ika pa niya, may malaking epekto umano ang naging madugong patayan noon sa mga pamilya, kaibigan, at komunidad ng mga naging biktima.
“The loss of every single one of these victims has the most profound impacts on their families, their friends, and ultimately their communities,” pagtatapos pa niya.
Kaugnay nito, nakatakdang magsagawa pa ng mga pagdinig ang ICC mula Martes, Pebrero 24 hanggang Biyernes, Pebrero 27, 2026, bilang parte sa proseso ng confirmation of charges ng mga kasong kinakaharap ni FPRRD.
KAUGNAY NA BALITA: EJK victims, dismayado sa pagliban ni FPRRD sa confirmation of charges hearing
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Bong Go, ipinagdasal si FPRRD: 'Taimtim kong dalangin ang kanyang lakas ng loob'
Mc Vincent Mirabuna/Balita