Ligtas at nasa maayos nang pangangalaga ang viral na pusang inihagis sa tulay ng isang motorista sa Indang, Cavite.
Ayon sa anonymous netizen na nagbahagi ng mga detalye sa Facebook page na CVSU Main Secret Files, natapuan nila ang pusang pinangalanan nilang si "Meraki," noong Pebrero 20, 2026 ngunit tuluyan lang nila itong na-rescue noong Pebrero 21.
Ayon sa naturang volunteers, naging mailap at mabilis na nagtago sa kanila si Meraki kung kaya't inabot pa kinabuksan ang matagumpay na pagsagip nila sa pusa.
Matapos ma-rescue, agad nilang dinala sa isang veterinary clinic ang pusa kung saan napag-alamang hindi raw ito buntis.
Sa isinagawa pang x-ray procedure kay Meraki, natukoy na nagtamo siya ng joint trauma bagama't hindi nabanggit kung ito ay bunsod ng pagkakahagis sa kaniya mula sa tulay.
Ang naturang joint trauma ay tinukoy na osteochondritis, isang kondisyong may kinalaman sa pamamaga ng joints o buto. Nagsagawa rin ng blood tests para kay Meraki na naging maayos naman umano ang mga resulta.
Samantala, ayon sa mga ulat, pawang mga veterinary students umano ang nagtulong-tulong upang masagip si Meraki at hindi rin daw sila tatanggap ng anumang mga tulong sa pagkupkop nila sa pusa.
Matatandaang noong Pebrero 17 nangyari ang insidente ng paghagis kay Meraki sa isang tulay, matapos umano itong mapagkamalang patay ng motorista.
Isang grupo ang nanawagan ng hustisya para sa sinapit ni Meraki at desidido raw silang magsampa ng reklamo.
Iginiit din ng grupo na may pananagutan ang taong kumuha at nagbahagi ng video, at nagbabala laban sa paggawa ng content na nagpapakita ng pananakit sa mga hayop.
KAUGNAY NA BALITA: Pusang buntis na inakalang patay na, itinapon sa tulay!