Nagpaabot ng kaniyang mensahe si Sen. Robin Padilla para sa kaniyang “Kuya Ipe” at dating senatorial candidate na si Phillip Salvador dahil sa umano’y pagiging tunay nitong kaibigan.
Ayon sa naging pahayag ni Robin sa kaniyang Facebook post nitong Lunes, Pebrero 23, 2026, makikita ang larawan ng personal na pagbisita ni Phillip sa burol ng yumaong lola ng kaniyang asawa na si Mariel Rodriguez-Padilla.
Ani Robin, tila iba raw talaga si Phillip dahil hindi ito nakalilimot sa umano’y mga taong tumulong at gumastos para sa DuterTEN noon.
“Iba ka talaga kuya ipe,” pagsisimula niya, “Hindi ka po marunong makalimot sa taong tumulong ng libre at gumastos para sa Duterten.”
Screenshot mula sa FB post ni Padilla.
Pagpapatuloy ni Robin, dumating at personal umanong nakipagdalamhati si Phillip sa panahon ng pangangailangan ng kaniyang misis ng suporta dahil sa pagpanaw ng lola nito.
“Sa oras na kailangan ni Mariel ang personal na suporta sa biglaang pagpanaw ng kaniyang pinakamamahal na lola ay dumating ka at nakipagdalamhati sa kanya,” aniya.
Dahil dito, tila hindi napigilang tawagin ng senador si Phillip na isa umanong tunay na kaibigan at lingkod-bayan.
“Isa kang Tunay na kaibigan at lingkod bayan,” pagtatapos niya.
Samantala, habang sinusulat, hindi pa naman nagbibigay ng tugon o reaksyon si Phillip kaugnay rito.
MAKI-BALITA: Nawala sa espiritu ng Ramadan: Padilla nag-sorry kay Llamas, iginiit na walang balak tumakbong VP
MAKI-BALITA: Sen. Robin, sinagot batikos na 'tuta,' 'sunud-sunuran' ni FPRRD!
Mc Vincent Mirabuna/Balita