February 23, 2026

Home BALITA Probinsya

Rizal Gov. Ynares, ipinag-utos masusi, agarang imbestigasyon sa gumuhong landfill

Rizal Gov. Ynares, ipinag-utos masusi, agarang imbestigasyon sa gumuhong landfill
Photo courtesy: Nina Ynares (FB), Kadamay (FB)

Ipinag-utos ni Rizal Gov. Nina Ynares ang pagsasagawa ng masusi at agarang imbestigasyon sa naganap na trash slide sa isang landfill sa Rodriguez, Rizal, kamakailan, upang matukoy ang buong katotohanan sa likod ng pagguho at mapanagot ang mga may kaugnayan rito.

Sa inilabas na pahayag ni Ynares noong Linggo, Pebrero 23, nilinaw niya na pampribadong kumpanya ang “Green Leap Sanitary Landfill” at hindi ito pagmamay-ari o pinangangasiwaan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Rizal. 

“Una po sa lahat, nais nating liwanagin na bagama’t taglay nito ang pangalan ng lalawigan, ang nasabing sanitary landfill ay hindi po pagmamay-ari at hindi pinangangasiwaan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Rizal. Ang operasyon at pamamahala nito ay nasa ilalim ng isang pribadong kumpanya,” saad ni Ynares. 

Gayunpaman, binanggit ng gobernadora na hindi kailanman kinokonsinte ng Pamahalaang Panlalawigan ang anumang gawain o pangyayari na nagbabalewala sa dignidad at karapatan ng bawat mamamayan. 

Probinsya

Bangkay ng vlogger, natagpuang nakagapos, balot ng t-shirt ang mukha at may busal sa bibig!

“Ikalawa, nakarating sa ating kaalaman ang mga ulat na may mga indibidwal diumano na natabunan at nasawi sa insidente. Mariin nating ipinahahayag na ang bawat buhay ay mahalaga... At hindi kailanman kinokonsinte ng Pamahalaang Panlalawigan ang anumang gawain nagpapawalang-halaga sa dignidad at karapatan ng bawat mamamayan,” pakikiisa ni Ynares sa mga biktima at pamilya nito. 

Kaya mariing ipinanawagan ng gobernadora sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagsasagawa ng masusi, agaran, at transparent na imbestigasyon upang matukoy ang mga naging pangyayari sa likod ng naging pagguho at mapanagot ang sinumang may pananagutan rito, at upang matiyak na hindi na rin mauulit ang mga kaparehang insidente. 

“Kaugnay nito, agad-agad nanawagan ang Pamahalaang Panlalawigan sa Department of Environment and Natural Resources o DENR na magsagawa ng masusi, agaran, at transparent na imbestigasyon upang matukoy ang buong katotohanan, mapanagot ang sinumang may pananagutan, at piliting hindi na mauulit ang ganitong pangyayari,” panawagan ni Ynares. 

“Ang kaligtasan ng mamamayan at pananagutan sa batas ay nananatiling pangunahing adhikain po ng Pamahalaang Panlalawigan,” dagdag pa nito. 

Bilang tugon, naglabas ng pahayag ang DENR-Environmental Management Bureau (EMB) noon ding Pebrero 22, kung saan sinasabing masusi na nilang minomonitor ang naiulat na trash slide sa Rodriguez, Rizal.

Anila, isa nang on-site investigation at stabilization operations ang umaarangkada sa nasabing landfill, kung saan, nakapagpadala na ng mga personnel ang EMB CALABARZON sa site upang masuri ang naging pagguho at matukoy ang tala ng mga nawawalang indibidwal, na pinaniniwalaang natabunan rito. 

Upang matiyak ang buong pakikiisa ng “Green Leap Sanitary Landfill,” ito ay inutusan ng DENR na gawin ang mga sumusunod: 

 Magsumite ng detalyadong action plan at daily project status reports sa kanilang retrieval and rehabilitation activities. 

Agad na pagsasagawa ng waste compaction at araw-araw na soil covering. 

Pag-iimplementa ng slope stabilization at maintenance ng regular na site inspection. 

Anila pa, isang technical conference ang isasagawa ng EMB CALABARZON  kasama ang operation ng landfill upang mapag-usapan ang mga detalye ng insidente at estado ng Environmental Compliance Certificate (ECC) Compliances.

Saad pa sa pahayag, ipapataw ng DENR ang karampatang Notice of Violation para sa identified non-compliance nito sa kanilang ECC conditions, base sa magiging resulta ng kanilang imbestigasyon. 

Matatandaang nasa higit 50 katao ang umano’y nawawala mula sa nasabing pagguho, ayon sa grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay). 

Habang sa inilabas na memo ng munisipalidad ng Montalban noon ding Pebrero 22, kinumpirma nila na tatlong indibidwal ang kasalukuyang nawawala mula sa trahedya ng pagguho. 

“The Municipal Government of Rodriguez, through its MDRRMO and MENRO, based on its initial investigation as of this writing, reports that there were three (3) individuals missing, due to the incident at the Green Leap Sanitary Landfill,” ani Rodriguez Municipal Mayor Ronnie S. Evangelista. 

Ang trahedyang pagguho na ito ay naiulat na naganap noong hapon ng Biyernes, Pebrero 20.

MAKI-BALITA: Higit 50 katao, nawawala sa gumuhong landfill sa Rizal; ilang pamilya, inalok ng pera 'wag lang magsalita?

Sean Antonio/BALITA