Pinangunahan ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. ang paglulunsad ng programang “Sa Bagong Pilipinas, Bawat Bayan Makikinabang,” na naglalayong palakasin ang kapasidad ng mga local government units (LGUs) sa pamamagitan ng mas mataas na suporta sa pananalapi upang mas epektibong matugunan ang pangangailangan at hinaing ng kanilang mga komunidad.
Sa paglulunsad ng naturang programa sa Malacañang Palace nitong Lunes, Pebrero 23, binigyang-diin ng Pangulo ang mahalagang papel ng mga LGU bilang frontliners sa serbisyo publiko, na alam ang sitwasyon sa ground level at unang nakakarinig sa hinaing ng kanilang nasasakupan at kumikilos tuwing may emergency.
Ayon sa Pangulo, sa loob ng higit tatlong dekada, ang Local Government Support Fund (LGSF), bilang karagdagan sa National Tax Allocation (NTA), ay nagsilbing tulay sa pagitan ng pambansang pamahalaan at lokal na komunidad, na nagpopondo ng maraming proyekto na nakatulong sa pagpapabuti ng buhay ng mga mamamayan.
Gayunpaman, inamin ng Pangulo na ang LGSF ay gumana sa ilalim ng demand-driven system na kinakailangan munang kumpletuhin ng LGUs ang lahat ng requirements bago maipalabas ang pondo, at madalas ay naantala ang implementasyon ng proyekto, lalo na sa maliliit at geographically isolated na lugar.
Upang matugunan ang problemang ito, nagsagawa ang Pangulo ng konsultasyon sa mga pangunahing grupo ng local government, kabilang ang Union of Local Authorities of the Philippines, League of Municipalities of the Philippines, at League of Cities of the Philippines.
Ngayong taon, itinaas ng pamahalaan ang allocation ng LGSF sa higit PhP34 bilyon, na nagdala sa kabuuang pondo ng halos PhP58 bilyon – pinakamataas sa kasaysayan.
Sinabi ni Marcos na ang pinalaking LGSF ay magpo-prayoridad sa mga programang tulad ng pamamahagi ng 60 kilo ng bigas sa higit limang milyong pamilya; pagtatayo ng mga ospital at health stations at pagbili ng karagdagang medical equipment; pagtatayo ng evacuation facilities; pagpapaunlad ng farm-to-market roads; at pagpapabuti ng water supply systems at rural electrification projects.
Bukod dito, iniutos din ni Marcos ang direktang pagpapalabas ng pondo sa mga LGU upang matiyak na ang mga komunidad ay makatatanggap ng tulong nang walang hindi kailangang pagkaantala.
“Pinabilis at pinadiretso na natin ang pagdating ng LGSF sa bawat lokal na pamahalaan. Ginawa namin ito dahil sa pagkilala na ang pangangailangan ng tao, gaano man kaliit o gaano kalaki ay hindi pa naghihintay pa,” sabi ng Pangulo.
Ang naturang paglulunsad ay dinaluhan ng mga alkalde ng iba't ibang lungsod, kabilang na si dating Vice President at ngayo'y Naga City Mayor Leni Robredo.