February 23, 2026

Home BALITA National

Karapatan Alliance PH sa 'di pagdalo ni FPRRD sa pagdinig ng ICC: 'Signos ito ng karuwagan!'

Karapatan Alliance PH sa 'di pagdalo ni FPRRD sa pagdinig ng ICC: 'Signos ito ng karuwagan!'
Photo courtesy: MB FILE PHOTO

Bumuwelta ang Karapatan Alliance Philippines na isa umanong karuwagan ang hindi pagdalo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa nakatakdang confirmation of charges ng International Criminal Court (ICC) ngayong linggo. 

Ayon sa naging panayam ng NewsWatch Plus PH kay Karapatan Alliance Philippines Secretary General Cristina “Tinay” Palabay nitong Lunes (araw sa Pilipinas), Pebrero 23, 2026, sa The Hague, Netherlands, sinabi niyang signos o tanda ng isang karuwagan ang nasabing hindi pagharap ng dating Pangulo sa mga itinakdang pagdinig ng ICC. 

“‘Yong hindi po pagharap ni dating Pangulong Duterte, nakikita po naming isang signos, sign po ito ng karuwagan,” pagsisimula niya. 

Ani Palabay, hindi lang daw ang ICC ang hindi kayang harapin ni FPRRD kung hindi pati na rin ang pamilya ng mga naging biktima ng Extrajudicial Killing (EJK) noon sa panahon ng war on drugs sa Pilipinas. 

National

PNP, alerto sa posibleng protesta sa pagdinig ng ICC sa mga kaso ni FPRRD!

“Dahil hindi niya po kayang harapin, hindi lamang po ang International Criminal Court kung hindi lalong lalo na po ang mga biktima at kanilang mga pamilya,” aniya. 

Dagdag pa niya, “So, it is unfortunate that the Court allowed the granting of the waiver against of the former President to not appear in Court.” 

Pagpapatuloy ni Palabay, umaasa raw sila na magkakaroon na ng “affirmation of charges” ang ICC kaugnay sa mga kasong kinakaharap ni FPRRD.

“But at the same time, we are hopeful that the hearing will be concluded with the affirmation of the charges,” pagtatapos pa niya. 

Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon ang kampo at pamilya ni FPRRD kaugnay rito. 

Matatandaang pinagbigyan ng ICC Pre-Trial Chamber I ang apela ng dating Pangulo na hindi sumipot sa confirmation of charges hearing noong Pebrero 20, 2026, kung saan napagpasyahan nilang pagulungin ang buong pagdinig mula Pebrero 23 hanggang Pebrero 27 nang walang presensiya ni Duterte.

KAUGNAY NA BALITA: ICC, pinahintulutang lumiban si FPRRD sa pagdinig ng confirmation of charges

Mc Vincent Mirabuna/Balita