Patay na nang natagpuan ang vlogger sa Tayabas, Quezon, na nagpaalam na mamimingwit lang sana sa isang Ilog.
Noong Biyernes, Pebrero 20, 2026, huling nakitang buhay ang biktima. Nang hindi raw nakauwi nang araw na iyon ang biktima ay kaagad na nag-report ang misis niya sa mga awtoridad.
Ayon sa mga ulat, sa isang liblib na bahagi ng Tayabas natagpuan sa isang hukay ang bangkay ng biktima, ilang kilometro mula sa kalsada.
Nakatali ang kaniyang mga kamay, balot din ng t-shirt ang mukha at may busal sa bibig, nang marekober ang katawan niya.
Isinailalim na sa eksaminasyon ang bangkay ng biktima upang masuri ang sanhi ng kaniyang pagkamatay. Ayon pa sa mga awtoridad, bagama’t wala pa raw silang nakikitang motibo sa sinapit ng nasabing vlogger ay may lumutang na raw na ilang persons of interest.
Saad pa ng kaanak ng biktima, wala naman daw nakakaaway ang biktima at malinis din ang record niya sa barangay.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad.