Ipinanawagan ni Sen. Bam Aquino sa mga Pilipino na lumahok sa makasaysayang 1986 EDSA People Power Revolution na ihayag ang kanilang mga naging karanasan at nasaksihan sa kabataan na hindi na ito naabutan.
“Ito po ang request ko po sa inyo: tayo pong nakaranas ng EDSA, ay ang mas maliit na populasyon na po ngayon. We’re the minority. Puwede po, lahat ng mga nandoon, ikuwento natin sa mga kabataan,” ani Aquino sa isinagawang “EDSA 40 Mass and Prayer Rally” noong Linggo, Pebrero 22, bilang paghahanda sa paparating na ika-40 anibersaryo ng 1986 People Power Revolution sa Miyerkules, Pebrero 25.
“Ikuwento natin—actually hindi lang po kabataan, kasi ang cutoff po natin 40, so kahit po ‘yong 30s, hindi rin po nila naranasan ang EDSA. Ikuwento po natin sa mga araw na ito, hanggang sa Feb. 25 at pagkatapos, ikuwento natin ‘yong nakita po natin,” dagdag pa ng senador.
Aniya, bagama’t walong taong gulang pa lamang noong mga panahon na iyon, tumatak kay Aquino ang pagsasama-sama ng mga Pilipino sa ngalan ng pakikibaka para sa demokrasya.
“Mayaman, mahirap, babae, lalaki, bata, matanda, nagsama-sama—nandoon po nagdadasal, nagmamahal, nakikilahok para po sa ating bansa. Ito po ‘yong isang bagay na tumatak sa akin, 8 years old po ako noon. Tumatak po ‘yon sa aking puso at hanggang ngayon, ‘yon pa rin po ‘yong hinahanap natin,” saad ni Aquino.
MAKI-BALITA: 'Ikuwento natin 'yong nakita natin!' Sen. Bam, may hiling sa mga nakasaksi sa EDSA People Power I
Ang rebolusyong ito, na pinagtipunan ng milyon-milyong Pilipino sa kahabaan ng EDSA Ave., simula Pebrero 22 hanggang 25, ay naging mahalagang parte ng kasaysayan, kung saan ayon sa mga pag-aaral ay nakapagpatalsik sa isang “diktador” na namuno sa loob ng dalawang dekada.
Bukod pa rito, ang rebolusyong ito ay nakilala bilang “bloodless revolution” hindi lamang sa Pilipinas, kung hindi sa buong mundo, at naging inspirasyon pa ng ilang mamamayan sa kanilang pakikibaka.
Dahil dito, bakit nga ba tinaguriang “bloodless revolution” ang 1986 EDSA People Power Revolution?”
Naitala sa kasaysayan na ang 1986 EDSA People Power Revolution ay suportado ng simbahang Katolika, kaya kabilang sa mga dumalo sa malawakang pagtitipon na ito ay mga madre at pari na bumuo ng “human barricade” at nagdasal sa harap ng mga tangke upang pigilan ang pwersang-militar.
“My dear people, I wish you to pray because it’s only through prayer that we may solve this problem. This is Cardinal Sin, speaking to the people, especially in Metro Manila,” saad ni Jaime Cardinal Sin sa Radyo Veritas noong Pebrero 22, 1986.
“I would only wish that violence and bloodshed be avoided. Let us pray through our Blessed Lady to help us in order that we can solve this problem peacefully,” dagdag pa ng arsobispo.
Naitala rin sa kasaysayan na ang mga Pilipinong dumalo sa rebolusyon ay nagpahayag ng kanilang pakikibaka gamit ang awit, tulad ng “Handog ng Pilipino sa Mundo” na isinulat ni Jim Paredes ng Apo Hiking Society, at mga islogan.
Noon ding mga panahong ito, pinaalalahanan ng mga pari ang mga tao na huwag maging marahas, nang magsimula nang pumasok ang mga ito sa Palasyo.
Ipinakita rito na isa ang simbahan sa naging makatuwirang boses na nangibabaw sa kasagsagan ng malawakang pakikibaka laban sa diktadurya, na naging dulot para maging mapayapa ito.
Kaya pagdating ng Pebrero 25, 1986, opisyal nang natuldukan ang pamumuno ni dating pangulong Ferdinand Marcos Sr. nang lumipad ito sa Hawaii kasama ang kaniyang pamilya, bunsod ng patuloy na pag-aaklas ng masa at international pressure.
Noon ding araw na ito, nanumpa sa pwesto si dating pangulong Corazon Aquino, na naging hudyat ng panibagong administrasyon sa bansa.
MAKI-BALITA: BALITAnaw: Paggunita sa unang EDSA People Power Revolution
Sean Antonio/BALITA