Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na mananatiling payapa at maayos ang inaasahang malawakang pagtitipon sa Miyerkules, Pebrero 25, bilang komemorasyon sa ika-40 anibersaryo ng 1986 EDSA People Power Revolution.
“The Armed Forces of the Philippines recognizes the related public assemblies expected to take place in Metro Manila as part of the upcoming commemoration of the 40th Anniversary of the EDSA Revolution. We will uphold and protect the constitutional rights of our citizens to peacefully assemble and express their views, consistent with the rule of law,” saad ng AFP sa inilabas nilang pahayag nitong Lunes, Pebrero 23.
Anila pa, sa kasagsagan ng malawakang pagtitipon na ito, ang AFP ay nananatiling tapat at propesyunal sa sinumpaan nitong mandato, at naninindigan na hindi magiging parte ng anumang politikal na gawain upang mapagtuunan ng pansin ang pagprotekta sa soberanya at integridad ng bansa.
“The AFP remains firmly committed to its mandate as a professional and non-partisan institution. We do not engage in political activities and remain focused on our core mission of securing the sovereignty of the State and the integrity of the National Territory,” paninindigan ng AFP.
Binanggit ng AFP na ang pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa darating na Pebrero 25 ay pangungunahan ng Philippine National Police (PNP).
Saad pa ng AFP na handa silang magbigay ng tulong sa pagpapatupad ng batas at karampatang aksyon habang pinananatili at nirerespeto ang democratic processes at karapatan ng bawat Pinoy.
Sean Antonio/BALITA