February 22, 2026

Home BALITA Probinsya

Pusang buntis na inakalang patay na, itinapon sa tulay!

Pusang buntis na inakalang patay na, itinapon sa tulay!
Photo courtesy: Contributed photo

Gumawa ng ingay sa social media ang kumalat na video kung saan  makikitang itinapon ng isang lalaki ang pusang pinaniniwalaan niyang wala nang buhay mula sa tulay sa East–West Road sa Barangay Calumpang Cerca, Indang, Cavite.

Batay sa pahayag ng isang animal welfare group, nangyari ang insidente noong Pebrero 17, 2026, ngunit Pebrero 20 na nila natunton ang nasabing video sa social media. 

Kaagad umano nila itong isinangguni sa mga awtoridad para maimbestigahan.

Agad na nakipag-ugnayan ang Humane Philippines sa Indang Municipal Police Station upang ipasuri ang insidente. Ayon kay Humane Philippines president Tirzah Lim, hindi siya nag-aksaya ng oras nang makita ang video online.

Probinsya

Mga nasawi sa MV Trisha Kerstin 3, pumalo na sa 65!

Sinabi pa niya na matapos makuha ang ilang detalye, agad siyang tumawag sa pulisya upang opisyal na maumpisahan ang imbestigasyon.

Sa tulong ng barangay at lokal na pamahalaan, natukoy na ang pagkakakilanlan ng lalaking sangkot. Nilinaw din umano ng alkalde na nasa hustong gulang ang suspek at hindi menor de edad.

Patuloy namang inaalam ng pulisya kung sino ang nag-record ng video na naging viral sa social media.

Iginiit din ng grupo na may pananagutan ang taong kumuha at nagbahagi ng video, at nagbabala laban sa paggawa ng content na nagpapakita ng pananakit sa mga hayop.

Sinabi ng isang animal welfare group na hinanap nila ang pusa nang may mag-ulat na buhay pa ito ngunit nabigo silang makita ang hayop.

Desidido rin daw silang magsasampa ng reklamo laban sa lalaking nakuhanan ng video.

Napag-alaman ding college freshman ang suspek, na sinabing inakala niyang patay na ang pusa nang masagasaan ito.

Humingi siya ng patawad sa pagkakamaling nagawa at handa rin siyang harapin ang isasampang reklamo.