Humingi ng paumanhin si Sen. Robin Padilla kay political pundit at dating Presidential Adviser for Political Affairs na si Ronald Llamas kasunod ng pinakawalan niyang social media post na may tirada sa kaniya, hinggil sa posibilidad ng kaniyang pagtakbo bilang Bise Presidente sa 2028 elections.
Sa isang mahabang mensahe na sinimulan niya sa pagbating “Assalamu alaikum,” inihayag ni Padilla ang paghingi ng tawad hindi lamang kay Llamas kundi pati sa komunidad ng mga Muslim at sa kaniyang asawang si Mariel Rodriguez-Padilla, para naman sa pagluluksa sa pagpanaw ng kaniyang lola.
“Ako po humihingi ng tawad sa Allah at paumanhin sa mga kapatid na Muslim at ako’y nawala sa ispiritu ng Ramadan. Ganoon din sa aking asawa dahil oras ng pagdadalamhati sa pagpanaw ng kanyang pinakamamahal na lola. Ako’y nakikiraan din sa inyo, Ginoong Llamas, sa aking mga naisulat sa post na ito,” anang senador.
Nilinaw ni Padilla na wala siyang balak na kumandidato bilang Bise Presidente.
“Nais ko lang po iparating sa inyo sa mahusay na pananalita at liham na wala po akong balak na kumandidato na Bise Presidente. Huwag po ninyo ako itulad sa ibang pulitiko na nakikipagsagasaan dahil sa sariling mataas na ambisyon,” saad niya.
Nauna rito, nagpakawala ng tirada si Llamas laban sa senador matapos ihayag ni Padilla na bukas siya sa posibilidad na tumakbong Bise Presidente sa 2028 kung ipag-uutos umano ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Kaugnay na Balita: Llamas kay Sen. Robin: 'Walang sariling utak!'
"‘Yong gusto mo maging Vice President hindi dahil nais mo maglingkod, pero uutusan ka ng preso sa ICC. He only confirmed accusations na wala siyang sariling utak,” saad ni Llamas.
Matatandaang isa si Padilla sa mga napipisil na maging running mate ni Sara Duterte sa 2028 elections, matapos ianunsiyo ng huli ang balak nitong tumakbo bilang Pangulo.
Sa kaniyang pahayag, iginiit din ng senador na sumusunod lamang siya sa patakaran ng kanilang partido, ang Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban), na pinamumunuan ni Duterte bilang chairman.
"Hindi po ako pulitiko pero marunong po akong sumunod sa partido, PDP laban chairman po si Rodrigo Roa Duterte at ako ay dating Pangulo at ngayon ay miembro ng partido, Sana po ay maintindihan po ninyo ang patakaran ng isang partido political na sinusunod at tanging chairman lamang ang magdesisyon kung sino at ano ang tatakbuhin ng isang miembro, lalo ang isang nakaupo na sa isang national position," aniya.
Idinagdag pa niya na kahit siya ay isang “ex-convict,” mayroon pa rin umano siyang “delicadeza” at hindi niya ugali ang “managasa at manuwag ng pinuno at ng kasama dahil sa ambisyon.”
"Kahit po akoy isang ex convict meron pa naman po akong delicadeza, Hindi ko po naging ugali ang managasa at manuwag ng pinuno at ng kasama ng dahil po sa ambisyon," saad pa niya.
Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, muling nagpaabot ng paghingi ng tawad ang senador.
“Muli ako po ay humihingi ng paumanhin sa lahat ng mga Muslim. Sa aking asawa, Assalamu alaikum wa rahmatullahi wa barakatuhu,” aniya.
Photo courtesy: Screenshot from Robin Padilla/FB
Samantala, bago pa man maedit ni Padilla ang post niya at makapag-sorry, na-screenshot na ito ni Llamas, ipinost sa social media platform niya, at saka kinomentuhan.
Aniya, "Bumubula na naman ang bibig ni 'Boy Misunderstood.' Hindi raw siya open tumakbong VP. So guni-guni lang ng lahat ang interview niya? Misunderstood na naman?"
“'Gigil na gigil' daw ang oposisyon sa pwesto. Eh ano tawag niya kay Sara na maaga at natatanging nag-deklara maging pangulo? Shy-type?"
"Marunong daw siya sumunod sa utos ng party president nila na si Digong. Salamat. Sinabotahe niya ang kanyang poon. By saying that he respects the party authority and decision of Digong, he effectively argued why he should not be granted interim release, and why he is fit for trial. He remains politically influential and mentally sound."
"Yan ang problema kapag walang sariling utak. Mag-toothbrush daw. Eh mga argumento niya, minumumog lang natin," aniya pa.
Photo courtesy: Screenshot from Ronald Llamas, Robin Padilla (FB)