February 22, 2026

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

'Kinakamayan ka, sasampalin mo ba?' Pinky Amador, sumagot sa tirada ni Darryl Yap

'Kinakamayan ka, sasampalin mo ba?' Pinky Amador, sumagot sa tirada ni Darryl Yap
Photo courtesy: Screenshot from News5/Darryl Yap (FB)

May tugon na ang beteranang aktres na si Pinky Amador patungkol sa naging banat ng direktor na Darryl Yap hinggil sa pagpunta nila ni Pokwang sa "Evening with the Stars" ng Palasyo kamakailan, na ginanap sa Foro de Intramuros sa Maynila.

Mababasa sa Facebook post ni Yap noong Pebrero 15, "Dati akala ko, malakas na ang loob ko, akala ko makapal ang mukha ko—pero nung nakita ko ang pictures nila Pokwang at Pinky Amador sa paparty ni Bongbong Marcos, Isa pala akong Mahiyain. HAHAHAHAHAHAAHAHAHAHHAHAHA!"

Sa pagpapatuloy, inungkat ng direktor ang naging pagsita noon ni Pokwang sa aktres na si Ella Cruz nang dahil sa naging pahayag nito patungkol sa history, nang mapabilang siya sa cast ng pelikulang "Maid in Malacañang," gayundin ang mga binitiwang pahayag ni Pinky laban kay Marcos noon.

"yung isa, inalipusta si Ella Cruz dahil sa pagsuporta sa Marcos, yung isa akala mo kung sinong santa sa pag-iinarte at pagsigaw ng Magnanakaw at Human Rights, ayun— present sa pabuffet ng suka," aniya pa.

Tsika at Intriga

Hindi kinaya! Newscaster, natawa habang ibinabalita si 'Bol Bol'

Sundot pa ng direktor, "Walang masama kung nagbago na ang kanilang paniniwala, or baka wala silang hapunan ng gabing iyon. Ang masama ay yung sakit ng salita, panlilibak at panghuhusga nila sa kapwa nung panahon ng kampanya, hindi na mababawi iyon."

"Kaya, may respeto na ko ulit kay Cherry Pie," aniya pa, na ang tinutukoy ay ang beteranang aktres na si Cherry Pie Picache, na isa ring Kakampink.

Kaugnay na Balita: 'Present sa pa-buffet ng suka!' Darryl Yap, binanatan sina Pokwang, Pinky Amador dahil sa pa-party ni PBBM

Sa panayam ng media, ipinaliwanag naman ni Pinky kung bakit siya dumalo sa nabanggit na gala, sa ginanap na concert para sa anibersaryo ng EDSA People Power Revolution I.

"Unang-una, isa 'yong paggalang sa mga artista ng pinilakang-tabing at ng telebisyon," saad ni Pinky.

"So I went there to honor my industry," aniya pa.

Pangalawang rason daw ni Pinky, ang kaniyang tita na si Zenaida Amador o "Tita Bibot" na cultural mentor ng Marcos siblings. Si Bibot ay isa sa founders ng "Repertory Philippines Foundation."

"I did that for her," ani Pinky.

Pangatlong rason daw, kilala raw ni Pinky ang mga Marcos.

"Kilala ko po sila. Dahil noong naka-exile po ang mga Marcos, madalas po silang pumunta sa London. Mahilig silang manood ng plays," paliwanag pa ng batikang aktres.

Hindi pa man daw mag-asawa sina Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. at Liza Araneta-Marcos, magkakakilala na raw sila.

"Para sa akin, parang kumbaga, parang... kinakamayan ka, sasampalin mo ba? O kakamayan mo lang? Just because kinamayan mo doesn't mean I'm giving up my political beliefs. Kasi dapat maging mature na tayo. 'di ba?" paliwanag ni Pinky.

Dagdag pa niya, "Hindi porke't nag-attend ka ng isang party, kinalimutan ko na yung pagkaka-Pinky ko, hindi ganun, maging mature tayo. You can do both. Puwede mo pa ring ipaglaban at puwede ka pa ring magbigay-galang sa industriya mo, magbigay respeto, wala tayong magagawa, siya talaga ang Presidente eh. Wala tayong magagawa 'di ba?"

Binanggit din ni Pinky ang iba pang mga artistang dumalo sa pagtitipon gaya nina Boots Anson Roa, Edu Manzano, Nikki Valdez, Cherry Pie Picache, Maris Racal, at Pokwang na hindi panig noon sa UniTeam subalit dumalo rin upang magbigay-galang sa industriya.

Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag si Direk Darryl tungkol dito.