Hindi napigilang matawa habang nagbabalita ng sports news si "Balitang A2Z" news anchor Barbie Muhlach patungkol sa pagdating sa Pilipinas at paglalaro ni National Basketball Association (NBA) basketball star "Bol Bol" sa Philippine Basketball Association (PBA), na nakatakdang maglaro para sa koponang TNT Tropang 5G.
Sa February 20 newscast, makikitang sa simula, pinipigilan pa ni Barbie ang pagtawa subalit maya-maya, hindi na niya napigilan at tumatawa na habang inihahatid ang ulat.
Naitawid naman ng news personality ang kaniyang pagbabalita kahit natatawa na.
Ibinahagi naman ng co-news anchor na si Raff Herida ang video clip nito.
"Kaya pa Ms Barbie Muhlach?" aniya.
Ibinahagi rin ni Barbie ang mismong video clip. Aniya, natawa raw siya nang makita ang ibang mga kasamahan sa studio na natatawa.
"Kasalanan mo to Kaka Raff Herida. Buti naman at we can all share a light hearted moment ahead of yet another series of stressful and polarizing news events this coming week. Been paying my due in media since 2009 and di ko talaga akalain matatawa pa ko but It’s the muffled laughs at the studio that really got me ahahaha. I just hope we did not offend Mr. Bol," aniya.