February 22, 2026

Home BALITA Probinsya

Higit 50 katao, nawawala sa gumuhong landfill sa Rizal; ilang pamilya, inalok ng pera 'wag lang magsalita?

Higit 50 katao, nawawala sa gumuhong landfill sa Rizal; ilang pamilya, inalok ng pera 'wag lang magsalita?
Photo courtesy: Kadamay (FB screenshot), ABS-CBN News (website)

Nasa higit 50 ang pinaniniwalaang bilang ng mga nawawalang katao mula sa pagguho ng isang landfill sa Brgy. 1B Harangan, Rodriguez, Rizal, kamakailan, ayon sa grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay). 

Base sa ulat ng Kadamay, naganap ang trahedyang pagguho noong hapon ng Biyernes, Pebrero 20, na umano’y bunga raw ng sistematikong pagpapabaya sa kaligtasan ng mga maralitang residente at kawalan ng proteksyon sa kanilang kabuhayan. 

Sa panayam naman ng GMA News Online sa Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) nitong Linggo, Pebrero 22, ibinahagi nitong tatlo na ang mga naitalang nasawi, kung saan ang mga narekober na katawan ay mga babae. 

Sa kasalukuyan, tiniyak ng PDRRMO sa nasabing panayam na patuloy nilang bineberipika ang mga ulat na kanilang natatanggap. 

Probinsya

Face-to-face classes sa Iloilo City, sinuspinde dahil sa ASEAN meetings

Panawagan din ni Kadamay Sec. General Mimi Doringo sa mga awtoridad ang maramihan at mabilisang search and rescue operations sa gumuhong landfill.

“Kailangan po maglunsad ng maramihan at mabilisang magre-rescue. Pangunahin dapat na ginagawa ng local government kasama ang management ng ISWIMS (International Solid Waste Integrated Management Specialist, Inc.) ay ‘yong buhay. Siguraduhin na ma-retrieve ‘yong mga nabanggit na mga bangkay at ‘yong pangunahin talaga, mayroon pa tayong makuha na survivors talaga,” saad ni Doringo. 

Ipinanawagan rin ni Doringo ang kaligtasan ng mga naghahanap-buhay rito sa pamamagitan ng maayos na pangangasiwa sa kanilang pangkabuhayan. 

“Tiyakin ‘yong katiyakan sa kabuhayan ng mga naghahanap-buhay. Hindi po namin sinasabi na isara ‘yong landfill. Kailangan lang magkaroon ng maayos na pangangasiwa para masigurado ang kaligtasan ng lahat ng mga nagta-trabaho d’yan lalo na ‘yong mga mangangalahi,” aniya. 

Panghuli ay ang pagtigil ng mga umano’y nagaganap na pananakot sa mga manggagawa ng landfill hinggil sa pagsasalita hinggil sa pagguho, na umano’y anim na beses na raw nangyayari. 

“Sa pangunahing panawagan ng Kadamay, mabilisang paghahanap sa mga tao at panatilihing ligtas ang mga kamag-anakan, mga kapamilya, wag na silang pahirapan. Kasi pahirap po sa kanilang ‘yong pabalik-balik na pananakot, ‘yong pagbabanta na wag silang magsalita, kasi mawawalan sila ng trabaho. Malaki pong trauma ‘yon, malaki pong mental stress ‘yon sa mga kababayan nating maralita,” dagdag pa ni Doringo. 

Sean Antonio/BALITA