February 23, 2026

Home BALITA Probinsya

Estudyanteng babae, pinagtulungang sipain at suntukin sa loob ng classroom!

Estudyanteng babae, pinagtulungang sipain at suntukin sa loob ng classroom!
Photo courtesy: Contributed photo

Nagdulot ng matinding galit at pagkabahala sa publiko ang kumalat na video na nagpapakita ng marahas na pambu-bully sa isang mag-aaral ng Quinarayan Elementary School sa loob mismo ng kanilang silid-aralan habang lunch break.

Sa naturang video, makikitang napapalibutan ng ilang kaklase ang biktima habang siya ay nakaupo at hawak ang kaniyang mga gamit. 

Isang babaeng mag-aaral ang lumapit at itinulak siya hanggang mapasiksik sa may pisara, habang ang ilan pang mag-aaral ay kumukuha lamang ng video sa halip na umawat.

Kalaunan ay lalo pang dumami ang mga nakapaligid sa bata at tila hinaharangan ang kaniyang pag-alis. Makikita ring may mga mag-aaral na nanonood lamang at may ilan pang tila nakikisali sa kaguluhan.

Probinsya

Motorista, nagbabala: Lalaki, puwersahang nambubukas ng pinto ng kotse sa Bacoor Boulevard!

Sa sumunod na bahagi ng video, makikitang nakayuko at nakapulupot ang mga braso ng biktima sa kaniyang ulo habang siya ay umiiyak at tila nagtatangkang protektahan ang sarili. May pagkakataon ding tila hinila siya sa ulo o buhok at may isang lalaking mag-aaral na sinipa siya habang nakaupo sa armchair.

Wala ring nakitang guro o nakatatandang umawat sa insidente habang nagaganap ito sa loob ng classroom.

Matapos mag-viral ang video, agad naglabas ng pahayag ang Department of Education–Schools Division of Ilocos Sur at mariing kinondena ang pangyayari. Iginiit ng tanggapan na walang lugar sa paaralan ang anumang uri ng bullying—pisikal, berbal, sikolohikal, o online.

Kinumpirma ng DepEd na nangyari ang insidente sa loob ng silid-aralan habang tanghalian at sangkot ang mga menor de edad na kumalat na ang mga imahe sa social media.

Agad ding nagpadala ang division ng dalawang guidance counselor upang tulungan ang mga batang sangkot at nagtalaga ng legal officer para sa paunang fact-finding investigation

. Sinimulan na rin ng Learner Protection Team ng paaralan ang proseso alinsunod sa Child Protection Policy at sa Implementing Rules and Regulations ng Anti-Bullying Act upang tukuyin ang pananagutan at angkop na intervention sa mga sangkot, kasabay ng paggalang sa kanilang karapatan sa due process.

Ayon pa sa mga opisyal, bibigyan ng psychological support at counseling hindi lamang ang biktima kundi maging ang buong klase, kabilang ang mga saksi at mga batang sangkot sa insidente.

Nakikipag-ugnayan na rin ang Schools Division sa Department of Social Welfare and Development, Philippine National Police, at Municipal Social Welfare and Development Office para sa hiwalay na imbestigasyon at upang matiyak ang proteksyon ng karapatan ng bata at kung kinakailangan ang karagdagang legal at social welfare interventions.