Bumaliktad ang isang 6-wheeler truck sa kahabaan ng San Juanico Bridge noong gabi ng Biyernes, Pebrero 20.
Ayon sa pahayag ni Tacloban City Mayor Alfred Romualdez, lumabas sa paunang imbestigasyon na hindi nakita ng truck driver ang motorsiklong bumabaybay rin sa tulay.
Sa pag-iwas, nawalan ng kontrol ang driver kaya bumangga ang minamanehong truck sa railings ng tulay.
Base pa sa pahayag, dalawang pahinanteng sakay nito ang nahulog sa tubig habang ang nasabing driver ay naipit sa loob ng truck.
Sa agad na pagresponde ng mga awtoridad, nailigtas ang mga pahinante at driver, at kasalukuyan nang minomonitor, habang ang truck naman ay agad din naitabi para madaanan ng ibang sasakyan.
Tiniyak ni Romualdez na magsasagawa pa sila ng follow-up inspection sa insidente upang masuri ang kondisyon ng tulay, kaya sa pansamantala, humihingi sila ng pang-unawa at kooperasyon sa mga motorista na magdadaan rito.
Sean Antonio/BALITA