Idiin sa publiko ni Manila 6th district Rep. Bienvenido "Benny" Abante, Jr., na tila “blessing in disguise” raw para sa mga tatakbong kalaban ni Vice President Sara Duterte ang maagang pagdedeklara niya sa pagtakbo bilang Pangulo ng Pilipinas sa 2028.
Ayon sa isinagawang news forum nina Abante sa Kamara nitong Sabado, Pebrero 21, 2026, sinabi niyang naniniwala raw siyang hindi totoong “unbeatable” o hindi kayang talunin si Duterte kahit “winnable” o mataas pa ang tiyansang nitong manalo bilang Pangulo sa darating na eleksyon.
“If the elections would be happening right now, naniniwala akong sagutan ito… but she might be winnable but she is not unbeatable,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Hindi po siya ‘yon bang kung iniisip mo na maraming tao, na ito [si VP Sara] ‘di na matatalo ito, e. Hindi pa rin.”
Ani Abante, tila natitiyak daw niyang may mga magiging pagbabago sa Halalan 2028 dahil na rin umano sa mga kasalukuyang problemang kinakaharap ng bansa bunga “pag-e-exposed” umano ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa mga ito.
“Sapagkat ngayon, naniniwala po ako sa problema ng ating bayan ngayon, when the President exposed the corruption—naging transparent tayo sa mga bagay na ito, palagay ko, may mga pagbabago na mangyayari sa 2028,” diin niya.
Nagawa ring kuwestiyonin ni Abante ang taumbayan kung gusto pa raw ng mga ito ng Pangulong maraming kamag-anak sa politika o ng isang lider na talaga raw na nakikita ng publikong may malasakit at passion para sa bayan.
“For example… do we still want a President na kung ang lahat ng mga kamag-anak ay nasa politics? Do we want a President na kahit may kamag-anak siya [na politiko] ay talagang nakikita natin na talagang siya, ang concern niya, ang passion niya, ang compassion niya, para sa bayan,” aniya.
Dagdag pa niya, “Ngayon pa lang sasabihin ko na, kapag tumakbo ang ating Pangulo ngayon na ang eleksyon… si Sara, e. But 2028 pa ‘yan, more than two years pa ‘yan.”
Pagpapatuloy ni Abante, tila raw “blessing in disguise” para sa mga tatakbo ng Pangulo ang naging maagang pagdedeklara ni Duterte ng kaniyang presidential bid.
“Kaya sabi ko, ‘yong kaniyang pagkakadeklara nang maaga, might be a blessing in disguise to the ones who is running against her,” saad niya.
“Pangalawa, this will expose the Vice President to a lot of questions she should be answering,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na reaksyon, tugon, o pahayag si Duterte kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, inanunsyong tatakbong Pangulo sa 2028!
KAUGNAY NA BALITA: Buwelta ni Princess Abante: Rep. Pulong, nanalo lang daw dahil anak ni 'tatay Digs!'
Mc Vincent Mirabuna/Balita