Nagbabala ang Department of Health (DOH) na mataas ang posibilidad ng outbreak ng tigdas at tigdas-hangin sa Mindanao dahil sa mataas na populasyon ng mga batang hindi pa nababakunahan laban sa mga sakit na ito.
Ayon sa pahayag ng DOH nitong Sabado, Pebrero 21, tinatayang nasa 520,645 pa ang mga bata ang nananatiling hindi pa bakunado.
Anila, kinakailangang maabot ang 95% target na vaccination rate sa Mindanao, kabilang ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), upang makamit ang tinatawag nilang “herd immunity” upang mawala ang panganib ng outbreak ng tigdas at tigdas-hangin sa rehiyon.
“Kapag maraming hindi bakunado, mas mabilis magkakahawaan, mas mabilis mag-outbreak kasi mas maraming vulnerable kids. Kapag protektado ang 95%, hindi magkikita-kita ‘yong mga may measles, kasi ma-eexpose sila sa mga taong may vaccine na. So, hindi na kakalat ‘yong virus,” paliwanag ni DOH Sec. Ted Herbosa.
Sa kaugnay na tala ng DOH noong Biyernes, Pebrero 20, tinatayang nasa 2.3 milyon o 82% pa lamang ng target vaccination rate ang mga nabakunahan sa temporary at fixed sites na itinalaga ng local government units (LGUs).
Habang nasa 517,981 o 90% pa lamang ang mga naitalang nabakunahang bata sa BARMM.
Kaya panawagan ni Ret. Col. Ebra Moxsir, ang National President ng Imam Council of the Philippines, sa publiko, na bigyang importansya ang pagpapabakuna upang maprotektahan ang kalusugan ng mga bata laban sa tigdas at tigdas-hangin.
“Itong gamot ay makakatulong po, hindi lang tayo dasal ng dasal. Ilapit natin at ipabakuna natin ang mga anak dahil para ito sa kanilang proteksyon,” saad ni Moxsir.
“Ang concept ng Islam ay basta hindi nakakasira sa katawan o sa mind ng bawat tao, mahalaga po ‘yon na mabigyan ng kahalagahan itong pagpreserba sa ating buhay,” dagdag pa ni Moxsir.
Ang tigdas o measles ay isang nakakahawang sakit na nagdudulot ng mataas na lagnat, pamamantal, ubo, at pamumula ng mata.
Kapag hindi naagapan, ang tigdas ay posibleng mauwi sa iba pang komplikasyon tulad ng pamamaga ng utak at pneumonia.
Ang tigdas hangin o baby measles, bagama’t hindi kasing-panganib ng tigdas, ay kadalasang nagsisimula sa mga batang nasa 6 hanggang 24 buwan.
Ayon sa mga pag-aaral, posible rin magkaroon ng tigdas at tigdas-hangin ang adults edad 20 pataas na walang bakuna na anti-tigdas at mababa ang immune system.
Sean Antonio/BALITA