Inihayag ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na hindi na siya tatakbo sa anumang posisyon sa gobyerno matapos ang pagtatapos ng kaniyang termino sa Senado sa 2031.
Ayon sa beteranong mambabatas na mahigit limang dekada na sa serbisyo publiko, plano na niyang tuluyang magretiro sa politika kapag natapos ang kasalukuyan niyang termino.
“I’m nearing the twilight of my career. I am still eligible for reelection in 2031, but I am not intending to. I intend to finish my public service career in 2031, when my current or first term ends in the Senate,” ani Lacson.
Sa pamamagitan nito, tinuldukan ng senador ang mga espekulasyon hinggil sa kaniyang posibleng pagtakbo pa sa hinaharap.
Giit pa ni Lacson, literal umanong wala siyang plano na tumakbo sa paparating na eleksyon dahil nasa “twilight” na raw siya ng kaniyang karera sa public service.
“Absolutely none. Alam n’yo, I’m getting the twilight of my career,” pagsisimula niya.
Samantala, tumanggi rin si Lacson na magbigay ng komento kaugnay sa mga ulat ng umano’y usapang pulitikal na kinasasangkutan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at dating bise presidente at kasalukuyang alkalde ng Naga City na si Leni Robredo.
Ayon pa kay Lacson, matatapos daw ang kaniyang karera sa pagseserbisyo sa publiko sa darating na Hunyo 30, 2031 at wala raw siyang ibang hiling kundi ang ikabubuti ng bansa sa darating pang mga dekada.
KAUGNAY NA BALITA: 'I will pray for her intentions!' Sen. Lacson, nag-good luck kay VP Sara