Mariing itinanggi ng singer at abogadong si Jimmy Bondoc ang usap-usapan na siya umano ang magiging katambal ni Vice President Sara Duterte sa halalan sa 2028.
Sa kaniyang Facebook post noong Biyernes, Pebrero 21, 2026, sinabi ni Bondoc na walang katotohanan ang mga haka-haka at biro lamang ng ilan ang pag-uugnay sa kaniya sa posisyong pangalawang pangulo.
“Wala pong katotohanan. Biro lang ng marami ang mag-VP po ako. Diretso at tapat ko pong sinasabi na kung tatakbo man ako,sa senado lang po. At kahit yun ay hindi pa sigurado. HINDI PO AKO TATAKBO BILANG VP,” ani Bondoc.
Ipinaliwanag din niya na ang isang tatakbong pangulo ay nangangailangan ng malakas na running mate na makakatulong sa pagkuha ng boto mula sa iba’t ibang sektor.
“Kailangan po ni future President Sara ng malakas na katambal, na magdadala ng boto sa kanya mula sa iba't ibang kulay, may kaunting kakayahang pinansyal, at ang magiging loyal sa kanya hanggang dulo. Ako po, loyalty lang po ang natatangi kong taglay dyan,” dagdag niya.
Nagpasalamat naman si Bondoc sa mga nagbanggit ng kaniyang pangalan ngunit hinimok ang publiko na huwag seryosohin ang espekulasyon.
“Kahit biro, salamat po sa mga nagbanggit sa pangalan ko. At sa mga threatened sa akin, wag na sana. Kayo naman o. Magkakampi po tayo,” saad niya.
Binigyang-diin din niya na wala siya sa hanay ng mga kinokonsiderang maaaring maging katambal ng bise presidente.
“Maniwala po kayo, wala man lang ako sa kalingkingan ng mga kinokonsidera bilang katambal ni Mam. Tulad ng sabi ni Pangulong Duterte, kaninyo, ako, magpabiling suluguon,” pahayag ni Bondoc.
Samantala, maliban kay Bondoc, kabilang din sina Sen. Robin Padilla, Sen. Rodante Marcoleta at Sen. Imee Marcos sa mga matutunog ang pangalan na maging running mate ni VP Sara.
Kaugnay nito, nauna nang inihayag ni Padilla na nakahanda raw siyang tanggapain ang naturang posisyon kung ipag-uutos ito ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
“Kapag utos ni Digong. Walang pwedeng mag utos sa akin kahit sino, si Digong lang,” ani Padilla.
Saad pa niya, ayaw naman daw talaga niya sa politika ngunit kapag si Duterte na raw ang nag-utos, ay susunod daw siya.
“Kasi ayaw ko talaga ng pulitika, alam naman lahat ng… nanay ko alam yan, mga kapatid ko, asawa ko. Basta sinabi ni Digong susunod ako,” anang senador.
KAUGNAY NA BALITA: 'Basta inutos ni Digong, susunod ako!' Sen. Robin, raratsada sa pagka-VP sa 2028?