Ang Pebrero ay buwan ng pag-ibig, dito makikita ang mga naglipang magkasintahan at bilihan ng mga flower bouquet at stuffed toy, gayundin ang walang-sawang tunog ng love songs sa malls at mga kalsada.
Sa kabila ng mga ito, may ilan na mas dinaramdam ang kirot ng kanilang puso dala ng natapos na relasyon at kumupas ng pag-ibig.
Kaya bukod sa araw ng mga puso, inilaan din ang “Break Up Day” sa buwan na ito upang mabigyan ng pagkakataon ang mga sawi para mahanap ang “closure” at “emotional release” na kinakailangan nila para makapag-let go.
Habang walang “one-size-fits-all” pagdating sa healing at moving on mula sa natapos na relasyon, inirerekomenda sa mga pag-aaral na bigyan ng “space” ang sarili para umiyak at damdamin ang iba’t ibang emosyon tulad ng lungkot, galit, pagkapagod, at pagkabalisa.
Dahil rin proseso ang pagdaan at pag-move on sa breakup, hindi ito instant, at katulad ng pagluluksa sa tao o bagay na nawala, ang prosesong ito ay iba-iba sa bawat indibidwal.
Habang nasa “moving on” stage ng buhay, narito ang ilan pa sa mga tips para mapagaan ito:
1. Tanggalin ang mga bagay na nagpapaalala sa relasyon
Ika ng ilan, “out of sight, out of mind.”
Mapa-Facebook album man ito, Instagram highlights, o memory box na nakatabi sa cabinet o ilalim ng kama, inaabiso ng mga esperto na tanggalin ang mga bagay na sumasariwa sa mga alaala ng relasyon o tao na nagdulot ng pagkirot ng puso upang maiwasan ang pagto-throwback sa mga pinagsamahang panahon.
2. Iwasan makipag-reconnect agad-agad
Para sa marami, isang malaking ekis ang mag-chat ng “I miss you” sa ex dahil posibleng magdulot lamang ito ng mga panibagong heartache o sakit sa ulo, lalo na kung naging “toxic” ang pinanggalingan na relasyon.
Ayon sa pag-aaral ng Healthline, nangyayari ang kagustuhan na makipag-reconnect tuwing hinahanap ng isang indibidwal ang mga nakasanayan nitong patterns at behaviors.
Habang hindi ito lubos na masama, ang pakikipag-reconnect sa natapos na relasyon ay posibleng magdulot rin ng pagka-stuck sa dapat na proseso ng acceptance at maturity.
3. Iwasan i-stalk ang ex
Dahil accessible na ang lahat ng impormasyon sa social media, mas madali na rin makikita ang mga taong hinahanap.
Katulad ng pakikipag-reconnect, ang stalking sa ex, sa main account man nito o sa mutual friends sa social media, ay nakaaapekto rin sa emosyon dahil binubuhay nito ang pag-asa mula sa lumipas na relasyon.
Kaya ang stalking ay mag-uudlot sa proseso ng pagmu-move on.
4. Maging priority ang “self-care”
Para sa marami, ang “self-care” ang trend na hindi nawawala sa uso dahil inuuna rito ang sarili bago ang sasabihin ng iba, na kalimitang mahirap gawin.
Maaari itong gawin sa pamamagitan ng mga simpleng routine tulad ng skin care, make-up revamp, exercise, journaling, o kaya’y pag-offline sa social media, para lumayo sa ingay ng reyalidad.
Ilan pa sa mga ginagawa ng marami rito ay magpagupit o magpakulay ng buhok, habang ang ilan ay umuuwi ng probinsya at nagkakaroon ng bagong hobbies, na pagbalik nila sa kanilang araw-araw na routine, mas magaan at maaliwalas na ang pananaw nila sa buhay.
5. Magkaroon ng “support system”
Ang pagkakaroon ng “support system” ay ang pinaka-inirerekomenda ng mga eksperto dahil naniniwala sila na ang break-up ay proseso na hindi kinakailangang kaharapin ng indibidwal mag-isa.
Ang “support system” na ito ay maaaring mabuo sa pamamagitan ng mga malalapit na kaibigan, kapamilya, o kaya’y isang mental health professional na makikinig at magbibigay ng advices para mapagaan ang recovery process mula sa breakup.
6. Maging “hopeful” para sa hinaharap
Bagama’t hindi “smooth sailing” ang recovery sa breakup, ang pagkakaroon ng positibong pananaw sa reyalidad ay nakatutulong upang mapagaan ang proseso na ito at magkaroon ng panghahawakan upang maipagpatuloy ito hanggang sa tuluyan nang maka-usad sa buhay.
Sa kabila ng tips na ito, mahalagang tandaan na ang bawat panahon na pinagdadaanan sa buhay ay may mga aral na itinuturo upang magkaroon ng growth at maturity sa mga kahaharapin pang pagsubok at milestones sa hinaharap.
Sean Antonio/BALITA